
- Magbabalik-oper
asyon na ang mga provincial buses sa September 30 - Kinumpirma ito ng LTFRB na nagsabing maglalabas ng memorandum circular kung anong ruta ang bubuksan
- Makikipagpulong ang LTFRB sa mga provincial bus operators upang plantsahin ang mga sistemang ipatutupad
Kinumpirma ng Land Transportation Regulatory and Franchising Board (LTFRB) na magbabalik na ang operasyon ng mga provincial buses mula at patungo sa Metro Manila simula sa Miyekules, ika-30 ng buwang kasalukuyan.

Sinabi ni LTFRB Chairman Martin Delgra na maglalabas ng memorandum circular ngayong linggo kung anong ruta ang bubuksan.
Magpapatawag din ng pagpupulong ang LTFRB sa mga provincial bus operators sa Lunes, September 28, upang plantsahin ang mga sistemang ipatutupad sa ilalim ng general community quarantine.
Mahigit isang linggo na ang nakararaaan, matatandaang sinabi ni Delgra may ilang probinsya ang pumayag na buksan ang kanilang mga border para sa mga provincial buses mula sa Metro Manila. Kabilang sa mga ito ang Aurora, Bataan at Quirino.
Maliit na porsyento lamang daw ito ng local officials mula sa 81 provinces na ang karamihan ay tutol sa ideya na papasukin sa kanilang nasasakupan ang mga provincial buses mula sa Metro Manila na nananatiling epicenter ng COVID-19 sa bansa.
“We need to closely coordinate with the local government unit (LGU) concerned because, at the end of this trip, it is the LGU who will receive, who will manage the passengers in their respective jurisdiction,” matatandaang pahayag noon ni Delgra.

“Since we are in the context of the pandemic, naghahanda rin ang mga LGUs kung paano nila iha-handle ‘yung mga pasahero na aalis or dadating sa kanila,” sabi pa niya.
Layunin ng balik-operasyon ng provincial buses na maisakay ang mas maraming manggagawa patungo sa Metro Manila habang dahan-dahang binubuksan ang ekonomiya sa ilalim ng mas maluwag na community quarantine.