Proyektong “Bahay Tao” ni Bayani Fernando, hinangaan ng mga netizens

  • Katangi-tangi ang proyekto ni Marikina City Congressman Bayani “BF” Fernando
  • Tinatawag itong “Bahay Tao Project”
  • Layunin nitong ipaayos at ipakumpuni ang mga bahay na malapit nang masira subalit walang kakayahan ang may-ari nito pagdating sa pinansyal na aspeto

Hinangaan ng mga netizens ang proyektong “Bahay Tao” ni 1st District of Marikina City Congressman Bayani Fernando na naglalayong maipaayos ang mga bahay ng mga pamilyang hindi maipagawa o walang kakayahang maipakumpuni ito dahil sa kakapusan sa budget para dito.

Ibinida sa Facebook page ng kongresista ang naturang proyekto na talaga namang hinangaan ng mga netizens, lalo na’t mahalaga ang isang bahay o tahanan para sa isang pamilya, na maituturing na pinakamaliit subalit pinakamahalagang yunit ng pamayanan.

Imahe mula sa Facebook page ni Bayani Fernando

“Sa pagpapatuloy ng Bahay Tao Project ni Congressman Bayani Fernando, isang pamilya naman mula sa Mississippi Street, Barangay Malanday, ang nabiyayaan ng pagsasaayos ng kanilang tahanan,” ayon sa post.

“Ang nasabing kapaki-pakinabang na proyekto ay sinimulan noon pang unang termino ni BF na ang layunin ay ayusin ang mga kabahayan, lalo na iyong ang mga may-ari ay walang kakayahang ipaayos ang mga ito.”

“Patuloy ang pagsasaayos sa marami pang bahay sa buong District 1 ng Marikina upang ang mga ito ay maging akma sa paninirahan at panlasa hindi lamang ng naninirahan dito kundi pati na rin ng mga nakatira sa komunidad,” dagdag pa.”

Narito naman ang mga reaksyon at komento ng mga netizens.

“Kudos po, Congressman BF! Sana po pati ang mga nangungupahan may chances na mgkaroon ng sariling bahay,” pakiusap ng isa.

Turan naman ng isa, “Ikaw naman talaga ang nagpasimula ng kaayusan at disiplina sa kalunsuran kaya idol ka ng nakararami. Husay mo talaga!”

“Salute po Cong. BF Mabuhay po kayo! More powers po. May God bless you,” wika naman ng isa.

Imahe mula sa Facebook page ni Bayani Fernando

Makikita sa mga larawan na pininturahan ng kulay-pink ang mga bahay na sumasailalim sa Bahay Tao Project, na kilalang signature color ni BF, lalo na noong siya ay naging Chairman ng Metropolitan Manila Development Authority o MMDA sa administrasyon ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.

Loading…