Puwede bang isuspinde ang online classes kapag masungit ang panahon?

Imahe mula sa DepEd
  • May mga katanungan kung maaari pa ring isuspinde ang klase kahit sa bahay lang nag-aaral ang mga estudyante kapag masungit ang panahon
  • Depende sa situwasyon ng isang lugar, ang sagot ng DepEd
  • Nilinaw ng DepEd na ang mga local government units ang nagdedeklara ng suspensyon ng klase

Sa October 5, 2020 ay sisimulan na ang bagong school year na ang pagtuturo ng mga leksyon sa mga mag-aaral ay gagawin sa pamamagitan ng remote o distance learning. Sa bahay lang mag-aaral ang mga estudyante dahil ipinagbabawal pa ang face-to-face o in-person classes sanhi ng umiiral na pandemya.

Imahe mula sa Metro News Central

May mga katanungan kung ang distance learning ay apektado rin ba ng pagsusungit ng panahon…kung ang mga klase ay isususpinde kapag may bagyo.

Ang sagot ni Department of Education Undersecretary for Curriculum and Instruction Diosdado San Antonio sa katanungan ay depende sa situwasyon ng isang lugar.

Sabi niya, ang klase ay maaaring isuspinde kapag nagkaroon ng power outage sa isang lugar sanhi ng bagyo, lalo na sa mga nag-o-online classes.

“Personally, ang tingin ko dapat walang pasok sa araw ng bagyo o iyong nagre-restore pa ng kuryente, pero hindi siya kasinghaba ng dati,” ani Usec. San Antonio.

Para sa mga gumagamit ng printed self-learning modules, dapat suspended ang classes sa araw mismo ng bagyo at sa mga araw na nag-aayos pa sila ng bahay na naapektuhan ng masungit na panahon.

“For those doing the printed self-learning modules, talagang iyong araw ng bagyo siguro saka ‘pag araw na nag-aayos pa ‘yong mga bahay,” aniya.

Imah emula sa BLoC

Sinabi pa ng DepEd official na ang local government units ang nagdedeklara ng class suspensions.

Tungkol pa rin sa distance learning, nauna nang nilinaw ng DepEd na hindi obligado na bumili ng gadget ang mag-aaral upang makapag-aral.

Ipinaliwanag ng DepEd na ang kagawaran ay bindi bulag para hindi maunawaan ang problema ng mga magulang para sa ipatutupad na distance learning.

Imahe mula sa DepEd

“Ang pag-aaral ngayong school year ay hindi lamang gagawin online. Inihanda ng DepEd ang iba’t ibang paraan ng pag-aaral na aakma sa lahat ng uri ng pamumuhay sa komunidad. Ang self-learning modules ay ang pangunahing gagamitin sa pagtuturo,” pahayag ng DepEd.

Bukod sa self-learning modules at internet, gagamit din ang DepEd ng radyo at telebisyon sa paghahatid ng edukasyon sa mga mag-aaral.

Source :

ABS-CBN, MSN

Loading…