Quarantine wristband gagamitin sa Caloocan upang malaman ang kinaroroonan ng COVID-19 patients

Screenshot mula sa GMA video
  • High-tech ang gagawing monitoring sa mga pasyenteng naka-home quarantine sa Caloocan City
  • Gagamit ang lungsod ng quarantine wristband o Q-band na isusuot ng probable at suspect COVID-19 patients
  • Sa pamamagitan ng Q-band ay malalaman ng city government kung nilabag ng pasyente ang quarantine protocols

Isang high-tech na paraan ang naisip ng pamahalaang Lungsod ng Caloocan upang ma-monitor nito ang mga probable at suspect COVID-19 patients para sa mas mabilis na contact tracing.

Screenshot mula sa GMA video

Inanunsyo ng city government ang planong paggamit ng quarantine wristband o Q-band nang makipagpulong sa team ng National Task Force Against COVID-19 Coordinated Operations to Defeat Epidemic (NTF CODE) noong Sabado, ika-5 ng Setyembre.

Kakabitan ng Q-band ang mga residenteng nagpa-swab test at kanilang close contacts.

“Pagkatapos na ma-swab, habang nag-aantay ng result, ay kakabitan na namin ito pati close contacts nila para sa ganoon, namo-monitor namin kung talagang sinusunod nila ‘yung health protocol, ‘yung self-quarantine. Para sa ganoon, nakikita namin kung lumalabas sila ng bahay o hindi,” wika ni Caloocan City Mayor Oscar Malapitan.

Kailangang i-download ng pasyente ang mobile application upang ma-scan ang QR code na nasa Q-band dalawang beses sa isang araw. Kung walang smartphone ang pasyente ay ang mga kawani ng barangay health and emergency response team ang magtutungo sa bahay nito para ma-scan ang code.

Imahe mula sa Caloocan City LGU

Makikita umano sa system kung saan at gaano kalayo mula sa quarantine area nagpunta ang pasyenteng naka-home quarantine.

Makikita rin sa system kung saan lugar mayroong maraming naka-home quarantine. Sa ganitong paraan ay mas madaling masundan ang COVID-19 transmission kaya mas madaling makagawa ng nararapat na hakbang gaya ng pag-lockdown kung kinakailangan.

“We see in real-time where the clusters are happening. There’s a visual representation, so if there’s a real potential outbreak happening here, then we can focus our resources within that area,” sabi ni Caloocan COVID Command Center chief Sikini Labastilla.”

Sa ngayon ay hindi pa ito maaaring ipatupad hangga’t wala pang ordinansa tungkol sa paggamit ng Q-band.

Screenshot mula sa GMA video

Loading…