Reduced distancing sa public transportation resulta ng pag-aaral – DOTr

Imahe mula sa PNA
  • Dinepensahan ng DOTr ang desisyon nitong bawasan ang physical distancing sa pagitan ng mga pasahero sa public transportation
  • Sinabi ng ahensya na ang desisyon ay batay sa mga pag-aaral
  • Ang pahayag ng DOTr ay kasunod ng pagkwestyon ng marami tungkol sa binawasang physical distancing sa public transportation

Ipinagtanggol ng Department of Transportation (DOTr) ang ginawa nitong rekomendasyon na pagluluwag sa physical distancing rule sa loob ng mga pampublikong sasakyan matapos kuwestiyunin iyon ng marami na nagsasabing posibleng magsanhi iyon ng muling pagdami ng COVID-19 cases sa bansa.

Imahe mula sa PNA

BASAHIN: Distansya sa pagitan ng mga pasahero sa mga pampublikong sasakyan babawasan na

Aprubado na umano ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases at ng National Task Force Against COVID-19 ang rekomendasyon.

Noong September 11, 2020, sinabi ng DOTr na mula sa dating 1 meter distance na inirerekomenda ng World Health Organization, gagawin na lang 0.75 meter ng distansya sa pagitan ng mga pasahero sa loob ng public transportation. Pagkalipas ng dalawang linggo ay gagawin itong kalahating metro na lang at gagawing 0.3 meter pagkalipas ng dalawa pang linggo.

Paliwanag ng ahensya, sa ganitong paraan ay makapagsasakay ng mas maraming pasahero ang mga pampublikong sasakyan.

Marami ang kumwestyon sa desisyong ito ng DOTr, kabilang na si Vice President Leni Robredo. Tinanong niya kung ano ang naging basehan ng DOTr para sa reduced physical distancing sa loob ng public transportation.

Imahe mula sa InterAksyon

“Noong nabasa ko iyong balita kahapon, naghahanap ako ng datos nagsasabi na okay ’yung less than one meter pero wala ako nahanap. Kasi ’yung binigay ng WHO na standard na one-meter distance, pero hindi ko lang alam kung ano naging basehan ng DOTr para i-allow ‘yung mas maliit diyan,” anang Pangalawang Pangulo.

Bilang kasagutan, sinabi ni DOTr Undersecretary Artemio Tuazon, Jr. na maraming ginawang pag-aaral dito at sa ibang bansa na kahit bawasan ang distansya ng mga pasahero ay posible pa ring bumaba ang transmission rate ng COVID-19.

“Maraming mga studies na ginawa hindi lang dito sa atin pati na rin sa ibang bansa na kapag itong reduction ng social distancing ay sinamahan ng mandatory use of face mask, face shield, and no talking, no phone and no eating policy, kasama na ‘yung regular disinfection of units, as well as temperature checking, magiging malaking tulong ito para mabawasan ang transmission ng virus sa public transport,” ani Usec.Tuazon.

Imahe mula sa DOTr-MRT3

Batay umano sa pag-aaral na ginawa ng International Union of Railways sa hanay ng mga bansang miyembro nito, ang railway system ay hindi raw “vector of transmission of COVID-19.”

“Makikita rin sa data na from the time na binawasan na ang social distancing sa transport sector, makikita actually na bumaba ang COVID-19 cases sa mga bansang ito. Ipinapakita lang na hindi sa public transport nagmumula ang transmission ng virus,” aniya.

Samantala, nanawagan naman ang ilang mambabatas na sa halip na bawasan ang distansya sa pagitan ng mg pasahero ay payagan na lang o dagdagan ang mga pampublikong sasakyan na makabiyahe upang maraming pasaherong maisakay.

Loading…