‘Resignation’ ni Pangulong Duterte ‘di natuloy – Palasyo

Imahe mula sa PCOO
  • Hindi umano natuloy ang ‘resignation’ ni Pangulong Rodrigo Duterte, ayon kay Roque
  • Nagtrending kasi sa Twitter nitong araw ang hashtag na #PaalamDuterte
  • Pinasaringan ni Roque ang mga kritiko ng administrasyon na nasa likod umano ng hashtag

Matapos aminin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang televised address nitong Lunes na nagtangka siyang bumaba sa puwesto, kumambyo naman ang Malakanyang at sinabing hindi natuloy ang ‘resignation’ ng presidente.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, tatapusin pa rin ng Pangulo ang kaniyang termino para linisin ang katiwalian sa pamahalaan.

Image by Harry Roque via Facebook

“Hindi po natuloy ang resignation ni Presidente. Tingin ko, hindi po siya magre-resign ngayon dahil dalawang taon na lamang ang natitira sa kaniyang termino pero igugugol po niya yung natitirang panahon niya para linisin ang iba’t-ibang ahensya ng ating gobyerno,” ani Roque sa virtual presser nitong Martes.

Magugunitang nagpahayag ng pagkadismaya ang Pangulo dahil sa patuloy na kurapsyon sa mga sangay ng gobyerno.

“I offered to resign as President. Talagang wala nang katapusan itong corruption. Mahirap talaga pigilin,” pag-amin ng presidente.

Dahil dito, nag-trending ang hashtag na #PaalamDuterte sa Twitter at maraming netizens ang mistulang ‘nagpaalam’ na sa Pangulo. Marami rin ang nagalit dahil ‘tila kawalang-respeto umano ito sa pinakamataas na posisyon sa bansa.

Screenshot mula sa Twitter

Kaugnay nito, nilinaw ni Roque na ‘exasperated’ lamang si Duterte kaya nito nasabing nagtangka na siyang mag-resign.

“He is serious about his expression of exasperation. Seryoso siya kasi pikang-pika na po siya sa korapsyon,” ayon sa tagapagsalita ng Palasyo.

Pinasaringan din ni Roque ang nasa likod ng nag-trending na hashtag #PaalamDuterte at isinisi ito sa mga kritiko ng administrasyon.

“Alam naman natin yung mga kalaban ng gobyerno, yung mga gahaman sa kapangyarihan, ‘yung mga hindi makaantay sa 2022, ‘yung mga nawalan ng hanapbuhay dahil ginagawang hanapbuhay ang gobyerno,” wika ni Roque.

Loading…