Sa Cavite, ang mga maiingay na nagvi-videoke lalo na ang mga wala sa tono, puwedeng makalaboso

Screenshot mula sa video ni Gov. Jonvic Remulla
  • Pagkakantahan gamit ang videoke simula alas-otso ng gabi ay ipinagbabawal na sa Cavite
  • Ang mga pasaway na ayaw magpaawat sa pagkanta, lalo na ang mga wala sa tono, ay maaaring ikalaboso
  • Hinikayat ni Gov. Jonvic Remulla ang mga Caviteño na i-report sa PNP Action Line +63 916 986 0679 ang mga lalabag sa patakaran

Mahigpit nang ipinagbabawal sa probinsya ng Cavite ang pagvi-videoke tuwing sasapit ang simula ng curfew hours o alas-otso ng gabi.

Screenshot mula sa video ni Gov. Jonvic Remulla

Hinikayat ni Governor Jonvic Remulla  ang mga Caviteño na i-report sa PNP Action Line +63 916 986 0679 ang mga hinaing tungkol sa walang kuwentang maiingay na pagkakantahan lalo na ng mga lasing at mga wala sa tono.

Ang instruksyon ng gobernador sa mga law enforcers ay daanin muna sa mahinahong pakiusap ang pagpapatigil sa pag-iingay. Kung magiging pasaway ang mga nag-iingay at sila pa ang magagalit ay maituturing na iyon bilang “disobedience to authority.”

“Kung kayo ay lasing, lagpas sa dami ng kainuman at mahigit sa lahat ay labag ang inyong pagliliwaliw nang wala sa oras, puwede kayong kasuhan at dalhin sa presinto on the spot,” paalala ni Gov. Remulla sa lahat ng mga mamamayan ng Cavite.

“Kung ayaw ninyong matulog nang maaga, p’wes magpatulog naman kayo! Matutong rumespeto sa mga kalapit-bahay na kailangang gumising ng 4AM,” pakiusap pa niya.

Screenshot mula sa video ni Gov. Jonvic Remulla

Ayon sa gobernador, ang isa sa pinakaimportanteng pangdepensa sa COVID-19 ay malakas na immune system. Makakamit ito sa mga masusustansyang pagkain, pag-iwas sa masarap subalit masamang bisyo at ang pagkakaroon ng sapat na tulog.

“Isa sa pinakamahalagang paraan para palakasin ang naturalismo ng katawan ay ang sapat at tamang oras ng pagtulog. Ang curfew ay hindi lamang ginawa para bawasan ang mga walang saysay na paggala sa gabi. Ito rin ay nilaan para palakasin ang pangangatawan sa pamamagitan ng masarap at mahimbing na pagtulog,” aniya.

Screenshot mula sa video ni Gov. Jonvic Remulla

Sa kasalukuyan, ang buong Cavite ay nasa ilalim ng pinakamaluwag na uri ng community quarantine – ang modified general community quarantine.

Loading…