Sa pagkawala ng ABS-CBN, PTV-4 may planong makipagsabayan sa GMA-7 sa ratings

Imahe mula sa Facebook
  • May plano ang PTV-4 na makipagsabayan sa GMA-7 pagdating sa ratings
  • Pinalalakas na umano nila ang kanilang news programming mula umaga hanggang gabi
  • Kinuwestiyon ni Rep. Yap ang kuwalipikasyon ng OIC ng istasyon

Umaasa ang Presidential Communications Operations Office (PCOO) na makakasabay na ang PTV-4 sa ratings kontra sa GMA-7 lalo pa’t tuluyan nang nagsara ang ABS-CBN ng pamilya Lopez.

Ang PTV-4 ay istasyong pag-aari ng pamahalaan at pinangangasiwaan ng PCOO.

Sa ginanap na budget hearing sa Kamara, inusisa ni House appropriations committee chairperson Rep. Eric Yap si Communications Secretary Martin Andanar tungkol sa plano nito para sa PTV-4.

Imahe mula sa Wikipedia

“Ngayong wala na ang ABS-CBN, mayroon ba tayong pangarap, may goals ba tayo sa PTV-4 na maging isang kalaban ng GMA, makapagcompete tayo sa kanila?” tanong ni Yap.

Dito ay sumagot si Andanar, “Yes, we have a plan to at least be able to compete as far as ratings are concerned. The PTV, being a government-owned and controlled corporation, it also has to make its own money from advertisers.”

Pagbabahagi pa ng kalihim, nakatakda nang buksan ang bagong media hub ng PCOO sa Mindanao nitong Oktubre.

Handa na rin umano ang istasyon na palakasin pa ang kanilang programming lalo na sa pagbabalita mula umaga hanggang gabi.

Subalit kinuwestiyon ni Yap ang kwalipikasyon ng kasalukuyang OIC ng PTV-4 na ayon sa kaniya ay isang production assistant na walang ‘managerial experience’.

Sec. Martin Andanar| Imahe mula sa PCOO

Binigyang-diin din ng kongresista ang diumano’y labor issues at mababang pasahod sa mga empleyado ng istasyon; halimbawa na lamang ang mga cameraman na sumusuweldo lamang ng P17,000 kada buwan kahit pa mahigit 10 taon na itong nagtatrabaho.

Nangako naman si Andanar na tatalakayin niya at bibigyang solusyon ang mga ganitong usapin upang mapabilis ang pagbibigay ng benepisyo sa mga empleyado ng PTV-4.

Inilatag ng PCOO ang kanilang panukalang P1.59 bilyong budget sa Kamara para sa susunod na taon subalit pansamantalang nasuspinde ang pagdinig dahil sa isyung ibinato ng mga Makabayan congressmen laban kay Usec Lorraine Badoy.

Loading…