Sangley Airport project may go-signal na kay Pangulong Duterte – Palasyo

Imahe mula sa ABS-CBN News
  • Binigyan na ng go-signal ni Pangulong Duterte ang Sangley Airport project
  • Ito ay kahit sangkot umano sa reclamation ng WPS ang Chinese company na kasali sa consortium
  • Walang balak sumunod sa direktiba ng US ang Pilipinas, ayon sa Palasyo

Matutuloy pa rin ang proyektong Sangley Airport sa Cavite at mayroon na itong pahintulot ni Pangulong Rodrigo Duterte, ayon sa Malakanyang.

Ito ay sa kabila ng pag-blacklist ng Estados Unidos sa mga Chinese companies na sangkot umano sa paggawa ng mga artipisyal na isla sa West Philippine Sea.

Imahe mula sa The Exciting Centennial of Philippine Aviation

Kabilang kasi sa consortium na binuo para gumawa sa Sangley Airport ang  China Airport Construction Corporation (CACC) na subsidiary ng China Communications Construction Co. Ltd (CCCC). Ang CCCC ay isa sa mga kumpanyang blacklisted sa US dahil sa pagkakasangkot nito sa reclamation sa WPS.

BASAHIN: Chinese companies na gumawa sa West PH Sea artificial island, blacklisted ng US

Ang consortium ng CACC at ng MacroAsia Corp. ni Lucio Tan ang nag-iisang bidder sa Sangley Point International Airport Project.

Subalit ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, may basbas na ni Duterte ang naturang proyekto.

Imahe mula sa Travel Daily Media

“Malinaw po ang sinabi ni Presidente. Hindi siya susunod sa direktiba ng mga Amerikano dahil tayo po ay malaya at independiyenteng bansa at kinakailangan po natin ang mga namumuhunan galing sa bansang Tsina,” paliwanag ni Roque.

Nauna nang sinabi ng MacroAsia na nasa kamay ng national government kung papayag ito na matuloy pa ang proyekto na kabibilangan ng CACC. Ito rin umano ang saloobin ni Cavite Governor Jonvic Remulla.

“We are in agreement with the statement of the Provincial Governor that the final go-signal for the Sangley Project will be up to the National Government,” anang Macro Asia.

Sa kasalukuyan, kinukumpleto na ng consortium ang mga dokumento para sa award ng proyekto na pansamantalang naantala dahil sa pandemya.

Loading…