Sen. Nancy Binay nais ipatigil ang pagtambak ng ‘white sand’ sa Manila Bay

Mga imahe mula sa Facebook
  • Nais ipatigil ni Sen. Nancy Binay ang pagtambak ng ‘white sand’ sa Manila Bay
  • ‘Hilaw’ at hindi umano dumaan sa ‘public consultation’ ang proyekto
  • Dapat daw ay inuna muna ng DENR ang pagsasaayos ng kalidad ng tubig sa Manila Bay

Gustong ipatigil ni Senador Nancy Binay ang ginagawang pagtambak ng ‘synthetic white sand’ sa Manila Bay na proyekto ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Ito ay matapos kumpirmahin ng Department of Health (DOH) na may masamang epekto sa kalusugan ng tao ang ‘dolomite dust’. Ang dolomite ay isang mineral calcium magnesium carbonate na maaaring magdulot ng adverse respiratory reactions sa tao, pangangati ng mata at epekto sa respiratory system.

Ayon kay Senador Binay, ‘hilaw’ at hindi dumaan sa public consultation ang nasabing proyekto.

Imahe mula sa Facebook ni Sen. Nancy Binay

“Yung paglalagay ng dolomite as a substitute for white sand only means na hindi dumaan sa tamang proseso at pag-aaral ang plano sa Manila Bay rehabilitation. Walang public consultation, walang environmental clearance, hilaw ang EIA/EIS, at malinaw na bara-bara at ‘di comprehensive ang plano,” ani Binay.

Para sa mambabatas, tama lang na ipatigil muna ng DENR ang proyekto kung ang talagang iniisip ng mga ito ay ang kapakanan ng taumbayan.

“In the right order of things, bago sana ang mga palamuti, dapat unahin muna ng DENR ang pagsasaayos ng water quality ng Manila Bay. Nakakalungkot lang, kaysa sa i-prioritize ayusin ang mga banyo sa Baseco, mas inuna pang pondohan ang puting buhangin galing Cebu,” dagdag pa ng senador.

Imahe mula sa ABS-CBN News

Maliban dito, nais din ni Binay na isapubliko ang budget ng proyekto at ang ginawang environmental impact statement (EIS) kung mayroon mang ginawang pag-aaral.

Naunang dinepensahan ng Palasyo ang naturang proyekto dahil makatutulong umano ito sa ‘mental health’ ng mga tao sa gitna ng umiiral na pandemya.

Hindi rin umano ito isang ‘beautification project’ lamang kung hindi isa ring ‘anti-soil erosion project’, giit ni Presidential Spokesperson Harry Roque.

Loading…