Simpleng kasalan, ginanap ang reception sa isawan

  • Kinaaliwan ng mga netizens ang isang simpleng kasalan
  • Ginanap ang kanilang reception sa isang isawan
  • Limitado lamang ang mga dumalo sa kaganapan

Sa panahon ng pandemya, isa rin sa mga naapektuhan nito ang mga nakaplano sanang pagpapakasal ng mga magsing-irog. Subalit sabi nga, kung may gusto may paraan; harangan man ng sibat, ang tawag ng pag-ibig pa rin ang mananaig.

Kinakiligan ng mga netizens ang simpleng kasalan ng dalawang magsing-irog na nagngangalang Khaye Medina at Arjanmar Rabeta na itinampok sa Facebook page ng kanilang naging official photographer na “Mediarama Creatives.”

Imahe mula sa Facebook page na Mediarama Creatives

Ikinasal ang dalawa sa Parish of the Holy Sacrifice na matatagpuan sa vicinity ng campus ng University of the Philippines-Diliman, na dinaluhan lamang ng iilang mga taong pinakamalalapit sa kanila.

Salaysay ni Medina,  napa-oo siya ng kasintahan matapos niyang mapagtagumpayan ang kaniyang pakikipaglaban sa COVID-19 noong Agosto.

Ang mas nakaaaliw rito, ginanap lamang ang kanilang reception sa sikat na isawang matatagpuan din sa naturang campus. Ang isaw ay chicken’s intestines na isa sa mga paboritong streetfood ng mga Pilipino, kasama pa ang tokneneng o quail eggs.

“Daig ng pag-ibig ang pandemic! Salamat sa Diyos sa mga biyaya. Siya ang nagplano ng kasal na ito sa pagtatahi-tahi mga pagkakataon. Laging magkasama, hamon man o isaw ang ulam,” ayon kay Medina.

Ayon naman kay Rebeta sa pagiging trending ng kanilang kasal, “Medyo overwhelmed, hindi namin siya expected. Noong pinaplano namin siya, alam namin pwede mapansin pero hindi namin ginawa para mapansin, gusto lang namin kakaiba.”

Imahe mula sa Facebook page na Mediarama Creatives

Para sa mag-asawa, kahit simple lamang ang kanilang kasal at reception, perfect na ito para sa kanila dahil ang mahalaga naman daw ay ang nararamdaman nila sa isa’t isa, at pagnanais na magsama sa mata ng Diyos upang bumuo ng sariling pamilya. Hindi nila alintana ang pandemya dahil mas malakas pa rin ang kanilang nararamdaman sa isa’t isa.

Pagbati sa mag-asawang Khaye at Arjanmar!

Loading…