SMC ite-training sa construction jobs ng airport project ang mga Bulacan residents, napauwing OFWs

Imahe mula sa SMC
  • Isasailalim ng SMC ang mga residente at mga dating OFWs sa training para sa konstruksyon ng New Manila International Airport
  • Sagot ng SMC ang gastos ng mga ito sa pagsasanay sa kursong mapipili sa TESDA
  • Bibigyang-prayoridad sa skills training ang mga residente sa Barangay Taliptip na ire-relocate dahil sa airport project

Sasanayin ng San Miguel Corporation (SMC) ang mga lokal na residente sa Bulacan at mga dating overseas Filipino workers (OFWs) na naririto na sa bansa para sa mga construction jobs sa airport project ng kumpanya.

Imahe mula sa SMC

Ayon sa pahayag ng SMC, ang gagawing pagsasanay sa mga residente at OFWs ay bahagi ng job-creation program ng kumpanya para sa New Manila International Airport na inaasahang lilikha ng libo-libong trabaho para sa mga residente ng Bulacan at mga kalapit-probinsya.

Sabi ni SMC president and chief operating officer na si Ramon Ang, bibigyan ng prayoridad sa nasabing pagsasanay ang mga residente ng Barangay Taliptip na, aniya, ay maire-relocate dahil sa proyekto.

Aniya, nakatakda nang magsimula ang training ng inisyal na 60 local residents sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para sa mga skills na ispesipikong kailangan sa airport construction.

Bibigyan ang mga trainees ng toolkits na kakailanganin nila sa trabahong napili. Tatagal ng mula sampung araw hanggang dalawampung araw ang mga course sa TESDA na ang SMC ang magbabayad.

Imahe mula sa SMC

“Construction activities will have an immediate economic impact on so many sectors. These create much-needed jobs that put money in people’s hands and allow them and their families to spend for their needs. This spending benefits many small and medium businesses, local eateries, sari-sari stores, groceries, and service establishments,” sabi ni Ang.

Sabi pa niya, ang mga OFWs na napauwi dahil sa pandemya ay hindi siguradong makababalik sa trabaho dahil sa mahirap na kondisyon ng ekonomiya. Pero dahil sa airport project, ang mga dating OFWs na pipiliing manatili sa bansa kapiling ng kanilang mga mahal sa buhay ay magkakaroon ng maayos na trabaho.

Inaasahang sisimulan na ang aktuwal na konstruksyon ng bagong paliparan sa buwan ng Oktubre.

Imahe mula sa SMC
Source :

Inquirer, ABS-CBN

Loading…