System maintenance ng PLDT nakumpleto nang mas maaga

Imahe mula sa PLDT Facebook
  • Nakumpleto na ang system maintenance activities sa underwater cables ng PLDT
  • Inanunsiyo ito ng PLDT sa kanilang Facebook page nitong Martes, ika-29 ng Setyembre
  • Mas maaga ito ng isang araw kumpara sa orihinal na schedule na dapat ay magtatapos sa Setyembre 30

Isang magandang balita ang ipinaabot ng PLDT nitong Martes sa kanilang mga subscribers na ilang araw ding nagtiis sa mabagal na internet connection bunsod ng isinagawang maintenance work.

Sa isang anunsiyo sa kanilang Facebook page, ibinahagi ng telco ni Manny Pangilinan na natapos ang isinagawang maintenance activities sa underwater cable ng Asia-America Gateway (AAG) na siyang ginagamit ng PLDT.

Imahe mula sa Facebook ng PLDT

“We are happy to report that maintenance activities on the Asia-America Gateway (AAG) submarine cable have been completed one day ahead of schedule. We thank you for your cooperation and patience,” ayon sa advisory nitong Martes, ika-29 ng Setyembre.

Mas maaga ito ng isang araw mula sa orihinal na schedule. Magugunitang inanunsiyo ng PLDT na magkakaroon ng ’emergency maintenance activities’ simula noong Setyembre 26 hanggang Setyembre 30.

Sa kabila ng pangamba ng karamihan, tiniyak naman ng higanteng telco na tuloy pa rin ang connectivity ng gumagamit ng kanilang internet dahil mayroon naman umano silang backup at gagamiting alternative international cable systems.

Imahe mula sa PLDT

“We wish to assure our customers of continued connectivity, as we have alternative cable systems to keep our services going during this maintenance period of AAG,” ayon sa naunang anunsiyo ng kumpanya.

Samantala, kaugnay nito, nais namang pagmultahin ni Ako Bicol Partylist Rep. Alfredo Garbin ang mga internet service providers (ISP) dahil sa epekto ng kanilang ‘emergency service maintenance’ sa negosyo at sa publiko.

Maaari umanong may malaking epekto ang ganitong biglaang outage sa public services, banking, financial transactions, online classes, online selling, at E-commerce na nakadepende sa internet services.

Wika pa ng mambabatas, hindi maaaring simpleng sorry lamang ang matatanggap ng publiko dahil sa malaking abalang naidulot ng biglaang maintenance activities.

Loading…