Tanggapan ni VP Leni namahagi ng reusable face masks at hot meals sa mga nangangailangan

  • Naging aktibo ulit ang Tanggapan ng Pangalawang Pangulo sa pagpapaabot ng tulong sa mga naapektuhan ng COVID-19
  • Nakapagbigay sila ng reusable face masks, pagkain at inumin sa mga frontliners, mga pasyente ng COVID-19, mga locally-stranded individuals, at mga mamamayang walang tirahan sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila
  • Umani naman ito ng papuri mula sa mga netizens; mabilis daw kasi ang pagtugon nila sa mga tanong ng tao

Namahagi ng reusable face masks at hot meals ang Tanggapan ng Pangalawang Pangulo o Office of the Vice President (OVP) sa mga taong nangangailangan nito, katuwang ang iba’t ibang mga samahang kabilang sa “#AngatBuhay partners,” kagaya ng Team Pilipinas, at iba pa.

Makikita sa Facebook page ni VP Leni ang mga larawan ng reusable face masks na likha ng iba’t ibang mga volunteers mula sa Marikina, Laguna, Rizal, at Bulacan.

Imahe mula sa Facebook page ni VP Leni Robredo

“Nakapagpaabot na rin tayo sa ating mga kababayang nangangailangan ng face masks, kasabay ng hot meals na handog ng ating Tanggapan at ng ating #AngatBuhay partners,” saad sa post ng OVP.

“Nitong mga nakaraang araw ay umabot na sa 1,420 na face masks ang ating naipamigay, kasama ng mga pagkain at inumin na ating inihahatid sa mga komunidad at sektor na lubos na naapektuhan ng COVID-19 crisis,” dagdag pa nito. Ang mga face masks na ito ay mula sa #MasKampante project ng Team Pilipinas, na naglalayong makapagbahagi ng 100,000 na reusable cloth masks sa ating mga kababayan na nangangailangan nito, dagdag pa.

Paliwanag pa, “Ang mga nasabing masks ay gawa ng iba’t ibang grupo ng mananahi, kabilang na ang mga asawa ng jeepney drivers sa Marikina, mga kababaihan sa Laguna na dating magkakasamang naglilingkod sa simbahan, mga mananahi sa Antipolo, Rizal at Bulacan na dating gumagawa ng school uniforms, at maging mga tatay at kababaihan sa Taytay, Rizal na nananahi na rin upang may maidagdag sa pantustos sa araw-araw.

“Taos-puso tayong napasasalamat sa Team Pilipinas sa pagsisimula nila ng inisyatibong ito, at sa kanilang pakikiisa sa adhikaing gawing mas ligtas at masuportahan ang ating mga kapwa Pilipino sa panahong ito,” anila.

Imahe mula sa Facebook page ni VP Leni Robredo

Umani naman ito ng magagandang komento mula sa mga netizens.

“Your office, VP Leni, is really trying to respond to each one of these requests to specifically address their unique needs. I am impressed! Mabuhay ang OVP,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Nakakatuwa ang team niya kasi nagre-reply talaga sila sa mga tanong ng tao… mabuhay po kayo VP Leni!”

Kabilang umano sa mga naabutan ng tulong ay mga frontliners, mga pasyente ng COVID-19, mga locally-stranded individuals, at mga mamamayang walang tirahan sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila.

Loading…