Ted Failon, DJ ChaCha pumirma na ng kontrata sa TV5

Imahe mula sa Twitter ng News5
  • Opisyal na ang paglipat nina Ted Failon at DJ ChaCha sa Radyo5
  • Ito ay matapos pumirma ng kontrata ang dalawa para sa bagong programa sa FM news station
  • Isa ring morning news magazine program ang pagsasamahan ng dalawa sa kanilang bagong tahanan

Makalipas ang halos dalawang linggo simula nang magpaalam sa himpapawid ang ‘Failon Ngayon’, opisyal nang nakahanap ng bagong tahanan ang programa matapos pumirma ang mga host nito na sina Ted Failon at Dj ChaCha sa Kapatid network ni Manny V. Pangililinan.

Sa ulat at mga larawang ibinahagi mismo ng News5 nitong Biyernes, Setyembre 11, pormal nang inanunsiyo ang paglipat nina Ted at DJ Chacha sa Radyo 5.

Imahe mula sa Twitter ng News5

Tulad sa DZMM, ang dalawa ay magsasama muli bilang mga host ng isang morning news magazine program na tatagal ng apat na oras sa nabanggit na FM news station.

“We are excited to deliver a paradigm shift on FM Radio. And we are thankful that Radyo 5 will give us the opportunity to serve the people with this one-of-a- kind format,” ani Ted sa isang pahayag matapos ang contract signing.

BASAHIN: Ted Failon lilipat na rin sa ibang radio station?

Hinikayat din ng beteranong broadcast journalist ang kaniyang mga tagasubaybay na abangan at subaybayan sila sa kanilang panibagong programa.

“Maraming, maraming salamat po sa Radyo 5 sa pagkakataon na ito. At sa lahat ng aming mga tagapakinig, mas gaganda ang inyong umaga dahil malapit nang mabago ang tunog ng FM Radio!,” wika pa nito.

Imahe mula sa Twitter ng News5

Nauna nang kinumpirma ni News5 chief Luchi Cruz-Valdes nitong Martes ang napipintong paglipat ni Ted Failon mula sa ABS-CBN na kaniyang naging tahanan sa loob ng mahigit tatlong dekada.

Huling napakinggan si Ted sa ‘Failon Ngayon’ at ‘TV Patrol’ noong Agosto 31 kung saan naging emosyonal pa ang batikang news anchor sa kaniyang pamamaalam.

Bago pa man ito, naglabas na ng pahayag ang pamunuan ng ABS-CBN para kumpirmahin ang pag-alis ni Ted sa Kapamilya network na bunsod na rin ng kabiguan ng kumpanyang makakuha ng panibagong prangkisa.

Loading…