Test flight ng manned flying car sa Japan matagumpay na naisagawa

Imahe mula sa SkyDrive, inc.
  • Tagumpay na nagsagawa ng test flight ng flying car ang isang kumpanya sa Japan
  • Ang single-seater na SD-03 ay lumipad at umikot sa test field ng hanggang apat na minuto habang sakay ang isang piloto
  • Target ng kumpanya na gawin sa taong 2023 ang commercial launching ng flying car

Tagumpay ang test flight na ginawa ng isang Japanese company sa dine-develop nitong flying car na may nakasakay na isang tao.

Screenshot mula sa video ng SkyDrive

Buong-pagmamalaking inanunsyo ng SkyDrive, Inc., isang world-leading developer ng urban air mobility, na nakapagsagawa ang kumpanya ng public demonstration flight ng bago nitong SD-03 flying car model noong August 23, 2020.

Iyon ang kauna-unahang paglipad ng flying car na nakita ng publiko sa Japan. Isinagawa ang test flight sa 10,000-square-meters Toyota Test Field, isa sa pinakamalaking test field sa Japan na ginagamit ng kumpanya bilang development base.

Ang single-seater na SD-03 ay lumipad at umikot sa test field ng hanggang apat na minuto. Isang tao o piloto ang kumokontrol sa paglipad niyon, pero tumutulong ang computer-assisted control system upang matiyak ang flight stability at safety nito.

May mga technical staff din na nagmo-monitor ng flight conditions at performance ng flying car sa lahat ng oras habang nasa ere ang SD-03. Hindi sinabi kung gaano kataas ang inabot ng lipad nito.

Ayon sa SkyDrive, Inc. ang SD-03 ay idinisenyo bilang world’s smallest electric Vertical Take-Off and Landing (eVTOL) na inaasahang magagamit bilang bagong paraan ng transportasyon sa malapit na hinaharap.

Screenshot mula sa video ng SkyDrive

Ang sukat nito ay dalawang metro ang taas, apat na metro ang lapad at apat na metro ang haba. Ang espasyong kailangan nito sa lupa ay katumbas lang ng dalawang kotseng nakaparada.

Target ng kumpanya na gawin sa taong 2023 ang commercial launching ng SD-03. May kamahalan nga lang ito sa presyong $300,000, subalit kung ima-mass produce ito ay posible pang bumaba ang presyo ng flying car.

Source :

SkyDrive, YouTube

Loading…