Textmate na balak ligawan, natuklasang kapatid pala sa ina

Screenshot mula sa KMJS video
  • Balak ligawan ni Jovic ang textmate na si Meriam subalit natuklasan nilang magkapatid sila sa ina
  • Maliliit pa sila nang ipaampon sa mga kaanak
  • May komunikasyon sa ina si Meriam, pero si Jovic ay wala
  • Naging daan ang pagkakakilala nila upang muling makita ni Jovic ang ina

Pinagtagpo, pero hindi itinadhana. Magaan ang loob sa isa’t isa, pero hindi puwedeng maging sila. Ganito ang nangyari sa mag-textmate na sina Jovic at Meriam dahil natuklasan nilang magkapatid sila sa ina. Parang kuwento sa pelikula ang nangyari sa dalawa na parehong ipinaampon noong mga bata pa sila.

Screenshot mula sa KMJS video

Ikinuwento ni Jovic sa Kapuso Mo, Jessica Soho (KMJS) na gustung-gusto na niya noong magkaroon ng karelasyon kaya naghanap siya ng magiging textmate. Nanghula lang daw siya ng numero at tinawagan iyon na agad namang nag-ring. Suwerte  pa na magkababayan sila.

“Mahilig talaga ako magda-dial ng mga number. Naghahanap ako ng magiging syota. ‘Yung gusto kong girlfriend ‘yung maganda tapos matangkad saka maputi,” ani Jovic na kinilig daw noong unang marinig sa telepono ang boses ni Meriam.

Makalipas ang tatlong linggong palitan ng mga text messages, nagpasiya ang dalawa na magkita.

Masaya silang nag-usap sa una nilang pagtatagpo, nagpalitan ng mga kuwento hanggang sa mapadako ang usapan tungkol sa pamilya. Nalaman nilang pareho silang ipinampon ng ina noong maliliit pa sila hanggang sa matuklasan nila na magkapatid sila sa ina.

Screenshot mula sa KMJS video

Si Meriam ay ipinampon ng ina sa kamag-anak na matandang dalaga. Hindi raw siya maasikaso ng ina noon kaya ipinaaruga na lang sa kaanak.

Sabi naman ni Jovic, sa tubuhan nagtatrabaho ang kanyang ina at kulang ito sa oras para maalaagan siya. Isang araw, nakita raw siya ng malayong kamag-anak habang walang tigil sa kaiiyak sa duyan. Naawa ito sa kanya at hiniling na siya na lang ang mag-alaga kay Jovic. Pumayag naman ang nanay niya na ipaampon siya.

May komunikasyon si Meriam sa kanilang ina, subalit si Jovic ay wala. Naging daan ang kanilang pagkakakilala upang sa wakas ay matagpuan ni Jovic ang inang matagal nang hinahanap.

Sa pamamagitan ng KMJS ay muling nakausap ng dalawa ang kanilang ina sa pamamagitan ng video call.

Screenshot mula sa KMJS video

Napaiyak sa labis na tuwa si Jovic dahil ang matagal na niyang gustong marinig ay ibinulalas ng kanyang ina.

“Mahal na mahal ko kayo,” sambit ng ina na nag-sorry dahil sa pagpapaampon sa kanila.

“‘Yan ang gusto kong marinig sa ‘yo , ‘nay,” sabi ni Jovic na napahagulgol sa emosyong naramdaman habang kausap ang ina.

Ang tanging hiling niya sa sandaling magkita-kita ulit sila ay isang mahigpit na yakap mula sa ina.

Tunghayan ang kanilang kuwento sa video na ibinahagi ng KMJS Kapuso channel:

Loading…