‘That’s Entertainment’ magkakaroon ng Zoom reunion ngayong Oktubre

Screnshot ng Instagram ni Tina Paner
  • Magkakaroon ng Zoom reunion ang cast ng ‘That’s Entertainment’ sa Oktubre
  • Ito ang inanunsiyo ni Tina Paner sa kaniyang Instagram post
  • Hindi pa kumprimado kung sino ang makadadalo sa nabanggit na reunion

Kung ikaw ay batang ‘80s o 90s, marahil ay isa ka rin noon sa sumusubaybay sa sikat na programang ‘That’s Entertainment’ at mayroong paboritong grupong inaabangan sa loob ng isang linggo.

At kung nami-miss mo na sila, marahil ay matutuwa kang malaman na muling matutunghayan ang ilan sa cast ng variety show na nagsilbing launching pad ng mga nag-aartistang nangarap sumikat noon.

Imahe mula sa Instagram ni Lotlot De Leon

Ayon sa ibinahagi ni Tina Paner sa Instagram, isa mga original members ng That’s, magkakaroon sila ng virtual reunion ng kaniyang mga kasamahan sa susunod na buwan.

“Kalma lang, guys! Makikita ninyo kami sa That’s Entertainment Zoom-mustahan October 3, 2020,” ani Tina na nagbahagi rin ng larawan ng That’s cast bilang pakikiuso sa #Manila Bay challenge.

Kaagad namang na-excite ang mga masugid na tagasuporta ng That’s.

“Miss Tina sana kumpleto kayong tatlo triplets yakagin mo naman si miss Manilyn at Sheryl sana my production number kayo with loveteam,” ayon sa isang nag-comment.

Imahe mula sa Facebook ng Wednesday Group (That’s Entertainment)

“Aabangan ko yan. Sana makasama si Ms. Sheryl Cruz,” wika naman ng isa pa.

May ilan ding nagtanong kung makakasama sa reunion ang kanilang mga iniidolong artista.

Hindi nabanggit ni Tina Paner kung sino ang kumpirmadong dadalo sa kanilang ‘Zoom-mustahan’ kaya’t kaabang-abang ito para sa mga 80s at 90s babies na karamihan ay mga tito at tita na ngayon. Tiyak ding magdadala ng nostalgia sa karamihang lumaki sa nabanggit na dekada ang nasabing reunion.

Imahe mula sa Facebook ng Wednesday Group (That’s Entertainment)

Ang ‘That’s Entertainment’ ay tumagal ng sampung taon sa himpapawid at isa sa pinakasikat na programa noon sa telebisyon. Umere ito sa GMA 7 mula January 1986 hanggang Mayo 1996 at sina German Moreno at Ike Lozada ang dalawa sa pinakakilalang host nito.

Ilan lamang sa mga sumikat noon na nagmula sa That’s ay sina Sheryl Cruz, Romnick Sarmenta, Manilyn Reynes, Janno Gibbs, Tina Paner, Cris Villanueva, Chuckie Dreyfuss, Jestoni Alarcon, Lotlot De Leon, Ramon Christopher, Francis Magalona, JC Bonnin, Jon Hernandez, Ian Veneracion, Lea Salonga at marami pang iba.

Tara’t mag-nostalgia trip:

Loading…