‘Three-piece na, ‘di na 2-piece’: Mga mamamasyal sa Boracay kailangang magsuot ng face mask

Imahe mula sa Facebook
  • Tatanggap na ng bisita mula sa ibang lugar ang Boracay simula Oktubre 1
  • May mahigpit na protocol na ipatutupad ang lokal na pamahalaan sakaling magbukas na ang beach sa mg turista
  • Isa rito ang pagsusuot ng face mask ng mga maliligo kahit sa labas man o loob ng beach

Kailangang magsuot ng face mask ang sinumang mamamasyal sa Boracay kapag nagbukas na ito sa publiko simula sa susunod na buwan.

Ayon kay Acting Malay, Aklan Mayor Frolibar Bautista, isa ito sa mga protocol na mahigpit na ipatutupad ng lokal na awtoridad upang maiwasan ang pagkalat ng coronavirus.

Dapat daw ay nakasuot pa rin face mask ang lahat ng tao kahit na sa labas man o nasa loob ng beach area. At kapag maliligo, puwede naman daw itong tanggalin, ayon sa alkalde.

“Sa labas, sa beach area, you have to wear a face mask. Kung maligo, puwede naman, kuhanin iyon. Pero as long as you’re in a public area, dapat may face mask talaga,” paliwanag ni Mayor Bautista sa panayam ng ANC.

Imahe mula sa Facebook

“Three-piece na, hindi na 2-piece,” dagdag pa ng mayor na ang tinutukoy ay ang swimsuit na karaniwang sinusuot ng mga beachgoers sa Boracay noong normal pa ang sitwasyon.

Maliban dito, mahigpit ding ipatutupad ang social distancing, pagsagawa ng thermal scanning at pag-iwan ng impormasyon para sa contact tracing kung sakali.

Samantala, ipagbabawal rin ang pagkain at pag-inom sa layong 30 metro mula sa beach. Hindi pa rin umano papayagan ang mga masahista, tattoo artists at mga tour guide upang maiwasan ang close contact ng mga tao sa bawat isa.

Imahe mula sa Facebook

Pinag-iisipan pa rin daw ng lokal na pamahalaan kung papayagan na nila ang mga beach parties.

“Ang physical distancing, ‘pag sa wedding, mahirap i-separate iyan so siguro sa ngayon, huwag muna iyong mga parang party,” paliwanag ni Bautista.

Nitong Martes, pinayagan na ng Boracay Inter-Agency Task Force (BIATF), na siya ring nangasiwa sa rehabilatasyon ng isla, ang kahilingan ng lokal na gobyerno na buksan na ang Boracay sa publiko simula Oktubre 1.

Puspusan naman ang paghahanda ng mga negosyo sa loob ng isla at lokal na aworidad upang matiyak na maipatutupad ang health protocol ng IATF.

Loading…