Vendor na nagbigay ng libreng taho sa isang pulubi, hinangaan

  • Marami ang napahanga sa isang magtataho na nag-abot ng isang baso ng kaniyang paninda sa isang pulubi sa Batangas
  • Sabi ng netizens, kahanga-hanga ito dahil kahit kailangan pang maglako ng magtataho upang kumita ay hindi siya nagdalawang-isip na magbahagi sa kapwa
  • Komento naman ng ilan, ang mga laki sa hirap talaga ang may pus0 sa pagtulong sa mga nangangailangan

Sa kabila ng mga hamon na kinahaharap ng bansa sa panahon ng pandemya ay hindi pa rin nawawala ang kabutihan ng mga Pilipino.

Imahe mula sa Facebook | Edhil Escarez/Lipa Status

Patunay rito ang isang magtataho na nakuhanan ng video habang binibigyan ng libreng taho ang isang pulubi sa Lipa City, Batangas.

Ibinahagi ng Facebook page na Lipa Status ang video na ito na kinuhanan ng security guard na si Edhil Escarez. Anila, hanga sila sa magtataho dahil batid nila na kahit mahirap ang pinagdaraanan nito sa paglalako ay hindi siya nagdalawang-isip na magbahagi.

Samantala, sa isang panayam sa Philippine Star ay sinabi ni Escarez na naantig siya sa nasaksihan. “Natuwa po ako kasi hindi ko akalain na sa kabila ng kakarampot na kinikita ng isang taho vendor ay nakuha niya pang magbigay sa ibang tao nang walang kapalit. Saludo po ako sa mga kagaya niya na may mabuting kalooban,” aniya.

Imahe mula sa Facebook | Edhil Escarez/Lipa Status

Maging ang netizens ay hindi naiwasang mapahanga sa kabutihan ng magtataho.

“Kung sino pa ang wala, siya pa ang nagbibigay. Hindi man patag ang daan, lumalakad nang matuwid. Payak man ang pamumuhay, mataba naman ang pus0. Saludo po sa inyo, Mamang magtataho. God bless!” sabi ni G. Ateuluz.

Sang-ayon naman dito si Grace N. “Salute to you, Manong magtataho! ‘Yong kahit mahirap ka lang din ay hindi mo nakalilimutang tumulong sa mas nangangailangan. Isang basong taho na puno ng pagmamahal.”

Sabi naman ng isa pang netizen, kahit maliit na bagay lang ang ito ay malaking tulong na rin para sa wala pang laman ang sikmura. “Kaunting tulong pero mula sa buong pus0 at kaluluwa,” ani W. Estrella.

Saludo kami sa iyo, Manong magtataho!

Panoorin dito ang video:

Loading…