Vendors sa 17 public markets sa Maynila isa-swab test para ligtas ang pamimili sa palengke

Imahe mula sa Manila PIO
  • Simultaneaous swab testing sa mga vendors ng 17 public markets sa Maynila ikinasa
  • Gagawin ang mass swab testing sa susunod na linggo kasabay ng pagbubukas ng RT-PRC molecular laboratory sa Santa Ana Hospital
  • Pagkatapos ng mga market vendors ay isusunod naman ang mga drivers ng pedicab, tricycle at jeepney

Bibigyan ng prayoridad sa libreng swab test ang mga vendors sa mga public markets sa Lungsod ng Maynila upang matiyak ang kanilang kaligtasan at maging ng mga mamamayang bumibili sa palengke ng kanilang mga pangangailangan.

Imahe mula sa Manila PIO

Isasagawa ang sabay-sabay na swab test sa mga market vendors kasabay ng pagbubukas ng RT-PCR molecular laboratory sa Santa Ana Hospital sa susunod na linggo.

Inatasan ni Manila Mayor Isko Moreno ang mga opisyal ng Manila Health Department at Santa Ana Hospital na makipag-ugnayan sa mga market administrators para sa gagawing  swab tests sa mga market vendors ng lungsod.

Nauna nang binigyan ng face mask at face shield ang mga vendors bilang proteksyon sa COVID-19 ngunit naniniwala ang alkalde na mahalaga rin na sila ay sumailalim sa swab test upang alamin kung sila ay hindi nahawahan ng coronavirus.

“Binigyan na natin sila ng mask, binigyan na natin sila ng shield, pero hindi natin alam anong ginawa nila bago pumunta sa palengke at magtinda. Now, we test them. At least we can guarantee the people that all those who are selling inside our market are safe individuals,” anang alkalde sa pakikipagpulong sa mga city officials at mga opisyal ng Santa Ana Hospital.

Screenshot mula sa video ni Isko Moreno Domagoso

Binigyang-diin ni Yorme na wala namang babayaran ang mga vendors sa swab test.

“Matutuwa pa ang vendor, hindi sila gagastos para ma-test, kasi mahirap ang buhay. So, makakatipid na sila, panatag na sila, ‘yung consumer natin, panatag din,” aniya.

Pagkatapos ng mga market vendors, isusunod namang i-swab test ang mga driver  ng pedicab, tricycle at mga jeepney.

Imahe mula sa Manila PIO

Loading…