Videoke ban iminumungkahi upang hindi makaistorbo sa online class

  • May mungkahing ipatupad ang videoke ban
  • Ito ay upang hindi makaabala sa mga nagwo-work-from-home at online classes
  • Nauna na rito ang Cavite

Mahilig sa pag-awit ang mga Pilipino; may tinig man o wala, pang-birit man o sintunado, talaga namang kapag nakahawak ng mikropono, hahatawin ang paboritong awitin. Magmula sa cassette, jukebox, karaoke, hanggang videoke, wala yatang lugar na hindi makaririnig ng halos nagwawalang boses, lalo na kapag may kasiyahan.

Kaya naman, nanawagan ang isang labor group na ipagbawal ng mga lokal na pamahalaan ang pagvivideoke lalo na sa panahong nagsasagawa ng online classes ang ilang mga pribadong paaralan at pumapasok naman sa “work-from-home” ang ilan, dahil na rin sa epekto ng pandemya.

Public Domain Image

Ayon sa tagapagsalita ng Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines na si Alan Tanjusay, maituturing na perwisyo ang ingay sa videoke sa mga nag-aaral o nagtatrabaho online.

“Bawas stress din ang matahimik na lugar sa mga manggangawa at mga online students and teachers dahil hirap na nga silang makakuha ng signal… Ay dadagdagan pa ng ingay ng videoke o karaoke kaya malaking tulong po ang ganitong panukala,” aniya.

Nauna nang inanunsyo ng lokal na pamahalaang panlalawigan ng Cavite, sa pamamahala ni Governor Jonvic Remulla,  na ang pagbi-videoke nang gabing-gabi ay ituturing na paglabag sa curfew hours.

Nakatanggap na umano sila ng maraming reklamo mula sa mga taong nabubulahaw sa mga walang habas mag-videoke na minsan ay umaabot pa hanggang madaling-araw.

Maaari umano itong makaabala sa mga naka-work-from-home at mga mag-aaral o gurong dumadalo at nagsasagawa ng online classes dahil ipinagbabawal pa ang physical classes.

Public Domain Image

“Sorry po ngunit kahit sabihin ninyo pang kayo ay nasa loob naman ng inyong tahanan, ang ingay na dulot nito ay maituturing na labag na sa tinakdang curfew hours,” ani Remulla.

Bukod dito, dapat  ding ipagbawal umano ang pagpapatugtog nang malakas. Maaari lamang itong gawin tuwing Sabado at Linggo, mula alas-6 ng umaga hanggang alas-6 ng gabi.

Loading…