Villar muling uminit ang ulo sa director ng carabao center: ‘Sinira mo pangarap ko’

Imahe mula sa Facebook
  • Uminit muli ang ulo ni Senador Villar sa PCC dahil sa kawalan ng prayoridad sa trabaho
  • Hindi raw budget ang kulang sa PCC kung hindi ang ‘desire’ para makatulong
  • Sinira umano ng PCC ang pangarap ni Villar para sa mga dairy farmers

Hindi na naman napigilan ni Senador Cynthia Villar ang pagkairita sa hepe ng Philippine Carabao Center (PCC) dahil sa umano’y kawalan ng prayoridad sa dapat ay ginagawang trabaho ng kanilang ahensiya.

Sa ginanap na pagdinig ng Senate committee on agriculture, food, and agrarian reform, uminit ang ulo ng senadora matapos ibahagi ni PCC executive director Arnel Del Barrio na sila ay lalahok sa feeding program na pinangungunahan ng Department of Education (DepEd) at Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Image by Cynthia Villar via Facebook

Ayon kay Del Barrio, naglaan ang PCC ng P28-M na budget para dito.

Subalit hindi umano trabaho ng carabao center ang ‘mag-feed ng milk’, giit ni Villar.

“Ang trabaho mo, mag-produce ka ng mga carabao at gumawa ka ng mga processing center ng carabao para ‘yan ang bibilhan ng DepEd at DSWD,” anito.

Dahil ang nasasaad umano sa probisyon ng batas na kaniyang iniaakda ay tiyakin lamang na ang gatas mula sa maliliit na backyard farms ay maibebenta sa mga ahensiyang nangangailangan nito.

“Pagsulat namin ng batas, hindi ikaw ang gagasta sa feeding. Bibili lang sa inyo,” ani Villar.

Pasaring pa ng mambabatas, kung ano-ano raw kasi ang ginagawa ng PCC at ayaw sumunod sa kaniyang sinasabi kaya ‘failure’ ang ahensiya.

Tinangkang magpaliwanag ni Del Barrio subalit hindi na siya binigyan ng pagkakataon ng nanggagalaiting senadora.

Sinira mo pangarap ko

Sa sumunod na bahagi ng hearing ay tuloy-tuloy na ang pagkastigo ni Villar sa PCC. Unang sinita ng mambabatas ang hindi magawa-gawa umanong 28 dairy processing center na may budget na P10-M kada isa para sa kabuuang P280-M.

PCC Exec. Dir. Arnel Del Barrio| Imahe mula sa Facebook-PCC

“Anong problema doon? P10 million per project, kadali-dali, hindi ‘nyo magawa? Akala ko ba ang problema ninyo, budget? Binigyan ko kayo ng pera, hindi n’yo rin ginawa,” ayon sa senadora.

Hindi rin pinalampas ni Villar ang data mula sa PCC na nagsabing 0.6% lamang ng demand ng produktong gatas ang nagmula sa local producers habang ang nalalabing 99.4% ay imported na. Sa kabila nito, ibinahagi ni Del Barrio na nakakumpleto na sila ng 20 research para lumaki ang production, mayroon nang ginagawang 38 research para dito, at may nakatakda pang 25 research sa mga susunod na buwan.

“Katakot-takot na researches na naman ‘yan, wala na namang application,” giit ng mambabatas. “Bakit mo uubusin ‘yung pera sa research na wala namang application?”

Imahe mula sa Facebook-PCC

Samakatuwid, ayon pa kay Villar, hindi budget ang problema ng PCC kung hindi ang ‘desire’ na makatulong sa tao.

“Sinira mo ‘yung pangarap ko para sa mga dairy farmers. Akala ko maiintindihan mo ako,” pasaring pa nito.

Gayun pa man, tiniyak ni Del Barrio sa senadora na itutuloy nila ang ‘pangarap’ ni Villar kapag natapos na umano ang kanilang mga proyekto.

Noong Enero, sinisi rin ng mambabatas ang PCC sa ‘kabobohan’ ng mga batang Pilipino dahil umano sa kakulangan ng gatas na iniinom.

Loading…