Vina emosyonal matapos ibasura ng korte ang kasong libel ni Cedric Lee laban sa kaniya

Imahe mula sa Facebook
  • Emosyonal si Vina Morales matapos ibasura ng korte ang libel case na isinampa ni Cedric
  • Ilang kaso ng libel ang isinampa ng negosyante sa iba’t-ibang lungsod
  • Nag-ugat ito noon sa akusasyong nilabag daw ni Lee ang kanilang kasunduan para sa kanilang anak

Makaraan ang halos dalawang taon, ibinasura na ng korte sa Caloocan City ang isa sa pinakahuling libel case na isinampa ni Cedric Lee laban kay Vina Morales.

Sa kaniyang Instagram post noong nakaraang Miyerkules, ibinahagi ni Vina ang kaniyang kasiyahan matapos madismiss ng Caloocan court ang reklamong isinampa sa kaniya ng kontrobersiyal na negosyante at dati niyang partner na si Lee.

Imahe mula sa Instagram ni Vina Morales

Si Lee ang ama ng anak ni Vina na si Ceana.

“Gusto ko lang po I share sa inyo eto dahil napakalaking apekto pagsubok ang pinagdaanan ko, ng anak ko at buong pamilya ko ng ilang taon,” bahagi ng singer actress sa kaniyang post.

Bagama’t takot umano siyang lumabas dahil sa pandemya, kailangan niyang umattend ng hearing.

“Today po dismissed na po ang Caloocan case na simula pa nung 2018,” ani Vina.

Nagpasalamat din ang aktres sa kaniyang abogado na si Atty. Lucille Sering dahil hindi umano siya pinabayaan nito sa mga kasong kinakaharap simula pa noong taong 2013.

Imahe mula sa FFE Magazine

Kuwento pa ni Vina Morales, na-dismiss na rin ang mga kaparehong kaso na isinampa ng kaniyang dating partner sa mga korte sa Nueva Ecija, Pasig City, Paranaque City, Mandaluyong City at Quezon City. Isa na lang daw ang natitira at ito ay ang nakabinbin sa San Juan City.

“Nagdesisyon akong I share sa inyo kasi sa panahon natin ngayon gusto ko lang pasalamatan ang pamilya ko at mga matalik kung kaibigan na sumuporta po sa amin,” wika pa ni Vina.

Tig-lilimang kaso ng libel ang isinampa ni Lee laban sa Kapamily star sa korte sa Nueva Ecija at Caloocan maliban pa sa mga nabanggit na lugar sa itaas.

Nag-ugat ito sa akusasyon ni Vina na puwersahang ayaw daw ibigay noon ni Lee ang kanilang anak na si Ceana at hindi rin umano ito nagbibigay ng sustento.

Samantala, umaasa ang aktres na matatapos na rin ang kaniyang paghihirap. Aniya, “Sana matapos na ang lahat ng eto…Move on na po tayo.”

Loading…