Vivian Velez pinipigil raw ang P500K na retirement pay ni Leo Martinez sa FAP

Mga imahe mula sa Facebook
  • Pinipigil umano ni Vivian Velez ang retirement pay ni Leo Martinez sa Film Academy of the Philippines
  • Giit ni Vivian, walang legal na basehan para i-release ang pera mula sa pondo ng FAP
  • Humingi na rin umano ng tulong sa Malakanyang si Leo Martinez

Ayaw daw i-release ni Vivian Velez ang retirement pay ni Leo Martinez na nagkakahalaga ng mahigit kalahating milyon.

Si Vivian Velez ang kasalukuyang director general ng Fillm Academy of the Philippines (FAP) kung saan nanilbihan ding DG si Martinez sa loob ng 16 na taon bago nagretiro noong Oktubre 2019.

Ayon sa artikulo ni Rachelle Siazon na lumabas sa PEP kamakailan, pinipigil umano ni Vivian ang kalahati ng retirement pay ni Leo na nagkakahalaga ng P526,388.835. Una nang natanggap ng batikang aktor-director ang kalahati nito nang siya ay magretiro.

Imahe mula sa Facebook ni Vivian Velez

Giit umano ni Vivian, walang basehan sa batas ang pag-release ng naturang halaga mula sa pondo ng FAP. Bukod dito, wala ring malinaw na computation kung paano umabot sa ganung halaga ang retirement pay ng dating DG at wala rin daw itong clearance mula sa DepEd na siyang nangangasiwa ng FAP.

Ganunpaman, bukas naman daw si Vivian na tanggapin kung sakaling may maipakitang basehan si Leo Martinez para sa kaniyang sinisingil na halaga.

“In the alternative, I am also willing to formally query the State Auditor, the Civil Service Commission and/or the Office of the Solicitor General on this particular issue so that a proper opinion may be rendered,” ayon sa sulat ng beteranang aktres.

Imahe mula sa Facebook ni Leo M,

Samantala, humingi na rin ng saklolo si Leo sa Malakanyang para mamagitan sa isyu. Kailangan niya umano ang salapi ngayon lalo pa’t wala siyang kita dahil sa lockdown.

“I have had no work since the lockdown in March and have not received any income since then,” laman daw ng sulat ng aktor kay Executive Secretary Salvador Medialdea. “I am a senior citizen thus I have not left my home since March.”

Subalit sa kabila nito, ibinigay na raw ng Malakayang sa mga kamay ni Vivian ang magiging desisyon sa usapin.

Hindi pa naglalabas ng opisyal na pahayag tungkol sa isyu ang magkabilang kampo.

Source :

PEP Ph, Philstar

Loading…