Workers sa pinapayagang industriya, ‘di na kailangan ng travel pass sa pagsakay ng provincial bus pa-Metro Manila

Imahe mula sa Wikipedia
  • Nilinaw ng JTF na hindi na kailangang ang travel pass para sa essential workers na sasakay ng provincial bus patungong Metro Manila
  • Ang mga essential workers, ayon kay Lt. Gen. Eleazar, ay ang mga manggagawa sa mga industriya na pinapayagang makapag-operate sa Metro Manila
  • Ang muling pagbiyahe ng mga provincial buses patungong Metro Manila ay sinimulan ngayong Miyerkules, September 30

Nilinaw ng Joint Task Force (JTF) COVID Shield commander na si Lt. Gen. Guillermo Eleazar na hindi na kailangang magprisinta ng travel authority/travel pass ang mga essential workers mula sa probinsya sa pagsakay nila sa mga provincial bus  patungo sa Metro Manila.

Screenshot mula sa ABS-CBN video

Ang mga essential workers, ayon kay Lt. Gen. Eleazar, ay ang mga manggagawa sa mga industriya na pinapayagang makapag-operate sa Metro Manila.

Ang paglilinaw ay ginawa dahil sa mga katanungan ng publiko dulot ng kalituhan sa napaulat na ang lahat ng mga pasahero na sasakay ng provincial bus patungong Metro Manila ay kailangang magprisinta ng travel pass.

“Designed po itong provincial commuter bus routes na ito para doon sa ating mga workers na nasa labas ng Metro Manila pero araw-araw nagbibiyahe pa-Metro Manila,” sabi ni Lt. Gen. Eleazar.

Aniya, noon pa man ay ganito na ang ipinatutupad na patakaran pagdating sa mga essential workers. Maaari silang tumawid ng mga border kahit sa anumang uri ng community quarantine status na ang kailangan lang iprisinta ay ang ID ng kanilang kumpanya at certificate of employment.

“Hindi na nila kailangan ang travel authority, ipakita lang nila ang ID at certificate of employment at sila po ay papayagan na,” dagdag pa ng opisyal.

Imahe mula sa Head Topics

Ang mga pasaherong hindi maituturing na essential worker ay kailangang magprisinta ng medical certificate mula sa lugar na pinanggalinangan at dapat may koordinasyon sa lugar na patutunguhan.

“Ang magpo-process po nito ay ‘yung police station kung saan sila galing,” anang JTF commander.

Ang muling pagbiyahe ng mga provincial buses patungong Metro Manila ay sinimulan nitong Miyerkules, September 30.

Screenshot mula sa GMA video

Loading…