Yorme nakiusap sa mga tao na huwag munang bumisita sa Manila Bay; picture-taking sa lugar bawal muna

Imahe mula sa Facebook
  • Pansamantalang ipinagbawal ang picture-taking sa Manila Bay Sands
  • Nakiusap si Yorme sa publiko na ipagpaliban na muna ang pagbisita sa bagong atraksyon
  • Nanawagan ang alkalde sa DENR na bakuran muna ang Manila Bay Sands

Bunsod ng nangyaring social distancing failure sa Manila Baywalk dahil sa pagdagsa ng mga tao na sabik masilayan ang white sands na itinambak sa Manila Bay ay ipinagbawal muna ang picture-taking sa bagong atraksyon sa Lungsod ng Maynila.

Screenshot mula sa GMA video

Nagpakalat ng mga pulis sa lugar malapit sa “white sand beach” at sa footbridge sa ‘di-kalayuan upang i-discourage ang publiko na magkumpol-kumpol at mag-selfie.

Bukas naman sa publiko ang paggamit ng footbridge subalit hindi muna pinapayagan na huminto sa taas nito upang kumuha ng larawan ng Manila Bay Sands.

“Pansamantala nating kino-close po yung Manila Baywalk. Puwede pong dumaan. Free way po ito e. Pero ang iniiwasan po natin, magkaroon po ng build-up na magkumpol-kumpulan na naman ‘yung mga tao,” sabi ni MPD Station 5 officer-in-charge Police Lieutenant Colonel Alex Daniel.

Samantala, nanawagan ni Manila Mayor Isko Moreno sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) na pansamantalang harangan ang Manila Bay Sands upang maiwasan ang katulad na insidente na nangyari noong Linggo, September 20, kung saan nagsiksikan ang mga tao na nais makita ang white sand beach.

Screenshot mula sa GMA video

Nakiusap din si Yorme sa publiko na ipagpaliban na muna ang pagbisita sa lugar.

“Pakiusap ko lang sa mamamayan, gustuhin man nating makita ‘yung Manila Bay white sands, siguro may iba pa namang panahon. I already asked DENR to close ‘yung bakod dahil hard hat pa, may construction pang nagaganap. Ipagpaliban po muna natin ang pagpunta,” pakiusap ni Yorme sa publiko.

Dahil sa nangyaring social distancing failure sa pagdagsa ng mga tao roon ay sinibak sa puwesto ang hepe ng Ermita Police Station na may hurisdiksyon sa lugar.

Imahe mula sa Manila PIO
Source :

MSN, GMA Network

Loading…