43 PhilHealth officials nag-resign, nag-retire matapos ang panawagan ni Gierran

Imahe mula sa Philhealth
  • Umabot sa 43 opisyal ng PhilHealth ang nag-resign at nag-retire
  • Karamihan sa kanila ay mula sa central office habang ang ilan naman ay galing sa regional offices
  • Ito ay bilang pagtugon umano sa memorandum ni PhilHealth chief Dante Gierran

Isang linggo matapos hilingin ng bagong talagang PhilHealth chief na si Dante Gierran sa mga opisyal ng ahensiya na magpasa ng kanilang courtesy resignation, kaagad namang tumugon ang 43 sa mga ito.

Nitong Huwebes, kinumpirma ng Philhealth na 27 opisyal ang nagbigay ng kanilang courtesy resignation habang 16 naman ang tuluyan nang nagretire. Sa mga nagresign, 21 ang mula sa central office habang 6 naman ang galing regional offices.

Imahe mula sa Twitter/ Maria Arra Perez

Sa mga nagretire naman, 10 ang mula sa central office at 6 ang mula sa regional offices. Hindi pa inilalabas ng PhilHealth ang pangalan ng mga opisyal na nag-resign at nag-retire.

Sa pahayag ng PhilHealth, sinabi nitong ito ay bilang pagsunod umano sa memorandum na inilabas ni Gierran noong Setyembre 30 na nag-aatas sa lahat ng opisyal na may salary grade 26 pataas na magcourtesy resignation ‘effective immediately’.

Ang nasabing memorandum ay bilang tugon na rin sa panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte na linisin ang korporasyon “of dishonest people, thus giving PhilHealth a fresh start to stay true to its mandate.”

Philhealth chief Dante Gierran/ Imahe mula sa PNA

Noong isang linggo, kinumpirma ng Malakanyang na naglabas nga ng memorandum si Gierran tungkol dito.

“Attorney Gierran knows that he does not have much time. And that’s why I think it was important for him to request that all the senior executives file their courtesy resignations because that’s the fastest way that he can reorganize,” ani Presidential Spokesperson Harry Roque sa isang panayam.

Naniniwala naman ang Palasyo na mayroong sapat na impormasyon si Gierran upang malaman kung kaninong resignation ang kaniyang tatanggapin. Bukod dito, maaari rin umanong sumangguni ang PhilHealth chief sa naging ulat ng Senate investigation at Task Force PhilHealth.

Loading…