92 anyos na lola, pinakamatandang COVID survivor sa Maynila

Imahe mula sa Manila PIO
  • Gumaling sa COVID-19 ang isang 92 anyos na lola mula sa Pandacan, Maynila
  • Siya na ang itinuturing na pinakamatandang survivor ng COVID-19 sa lungsod
  • Natuwa naman si Mayor Isko Moreno dahil sa paggaling ni Lola Amanda matapos ma-ospital ng 12 araw

Isang 92 anyos na lola ang itinuturing ngayon na pinakamatandang survivor ng COVID-19 sa Lungsod ng Maynila.

Si Lola Amanda Morales ay nanatili sa Sta. Ana Hospital sa Maynila sa loob ng 12 araw matapos makitaan ng mga sintomas ng coronavirus. Kasabay niyang gumaling ang kaniyang anak na babae na isa na ring senior citizen at dalawang apo.

Lahat sila ay idineklarang gumaling na sa COVID-19 noong ika-13 ng Oktubre.

Imahe mula sa Manila PIO

Pinuri naman ni Mayor Francisko ‘Isko Moreno’ Domagoso ang staff ng ospital dahil sa ginawang pag-alaga kay Lola Amanda at sa pamilya nito habang nagpapagaling.

“Thank you po kay Sta. Ana Hospital Director Dra. Grace Padilla at sa inyong mga kawani dahil sa masigasig na pag-aalalaga ninyo kay Lola Amanda at sa lahat ng mga pasyente ninyo sa ospital,” ani Mayor Isko.

“Nawa’y sa maliit na kaparaanan ng Pamahalaang Lungsod ay nakatulong tayo sa paggaling ng ating mga kababayan. Sana po ay magtuloy-tuloy ang paggaling ng ating mga kababayan sa sakit na COVID-19! Kaagapay po ninyo kami palagi,” dagdag pa ng alkalde.

Screenshot mula sa GMA News video

Nagpaabot din ng mensahe si Mayor Isko kay Lola Amanda dahil sa ipinakitang lakas ng loob ng matanda.

“Congrats lola ko, ingat ka na next time ha. I’m happy for you. Salamat sa Diyos. Hold on ka lang, after eight years may P100,000 ka naman sa city government. Sana mabisita ko kayo someday,” wika pa ng Punong Lungsod ng Maynila.

Magsisilbi umanong inspirasyon ang paggaling ni Lola Amanda para sa mga opisyal ng city government na katulad niya upang lalo pang magsipag sa paghahatid ng serbisyo at ayusin pa ang health care services at pasilidad ng gobyerno.

Loading…