“A2Z Channel 11” bagong rebranding ng Zoe Broadcasting Network katuwang ang ABS-CBN

  • Posibleng mapanood na ang ilan sa mga shows ng ABS-CBN sa free TV
  • Sa pamamagitan ito ng partnership sa Zoe Broadcasting Network  Channel 11
  • Tatawagin na itong “A2Z Channel 11”

Kumpirmado na ang pagbabalik sa free TV ng ilang mga palabas ng ABS-CBN Kapamilya Network, sa partnership nito sa Zoe TV Channel 11, na dumaan sa rebranding at tatawaging “A2Z Channel 11.”

Kung hindi umano magkakaroon ng pagbabago o aberya, mapapanood na rito ang It’s Showtime na magsisimula na sa Oktubre 10 , at ang ASAP Natin ‘To sa Oktubre 11, 2020.

Public Domain Image

Ang naturang TV network ay pagmamay-ari ng Jesus Is Lord Church na pinamumunuan ni Bro. Eddie Villanueva, na bagong dagdag na channel na mapapanood sa Sky Cable simula sa Oktubre 8, 2020.

Kamakailan lamang ay tila ‘nadulas’ ang isa sa mga hosts ng It’s Showtime na si Vice Ganda nang magbitaw ito ng salita na “Better days are coming” sa isang episode ng kanilang noontime show noong nakaraang linggo, na maaaring tumutukoy sa partnership ng dalawang TV network.

Matatandaang noong Mayo 2020 ay tuluyang naipahinto ang pag-ere ng ABS-CBN sa free TV matapos maglabas ng cease and desist order ang National Telecommunications Commission o NTC laban sa network, dahil paso na ang legislative franchise nito. Ang legislative franchise ay iginagawad na pribilehiyo sa mga TV at radio stations upang makapag-broadcast nang libre.

Matapos ang halos isang buwan, hindi sinang-ayunan ng Kamara ang pagbibigay-prangkisa sa ABS-CBN noong Hulyo 10, 2020, na naging dahilan upang magsagawa ang pamunuan ng retrenchment sa mga empleyado nito. Hindi lamang mga karaniwang manggagawa ang natanggal kundi maging mga sikat na news anchors at artista nila.

Bagama’t nasadsad na nga, patuloy pa ring bumabangon ang ABS-CBN sa pamamagitan ng cable. Umeere pa rin ang Kapamilya Channel, at online platforms nila na Kapamilya Online Live. Sa katunayan, nakapag-produce pa sila ng mga bagong shows at teleserye.

Public Domain Image

Noong 2019, natapos na ang partnership ng GMA Network at Zoe Broadcasting Network. Ito ang naging tahanan ng lifestyle channel ng Kapuso Network na “QTV 11” hanggang sa maging GMA News TV para naman sa kanilang News and Public Affairs.

Loading…