Advance payment ng DPWH na hindi na naibalik umabot sa P1.3-B – COA

Imahe mula sa PNA
  • Sinita ng COA ang umabot sa P1.3-B na advance payments ng DPWH
  • Kabilang rito ang para sa 530 na natapos na proyekto at 21 na hindi natuloy o nahinto
  • Binalaan ng COA ang DPWH na maglalabas ito ng notice of disallowance laban sa ahensiya

Umabot sa mahigit P1.3-bilyon ang advance payments na nailabas ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na hindi na naibalik o nabawi, ayon sa pinakahuling ulat ng Commission on Audit (COA).

Inilabas ng COA ang report nito sa gitna ng alegasyon ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) na may nangyayaring sabwatan sa pagitan ng DPWH engineers at ilang kongresista upang diumano’y mapagkakitaan ang mga proyekto.

Imahe mula sa facebook

Base sa ulat ng COA, umabot sa halagang P1,330,740,655.06 ang hindi na nabawing advance payments ng DPWH para sa 551 na proyekto noong 2019.

Ang 530 na proyekto rito na may advance payment na P1.15-B ay nakumpleto na, habang 21 naman ang hindi na natuloy o nahinto at hindi na rin naibalik ang P177.26-M.

BASAHIN: Defensor hinamon ang PACC na pangalanan ang mga kongresistang sangkot sa kurapsyon 

“One of the reasons for the nonrecoupment of advance payments made to contractors was the late/nonsubmission of final billings with the corresponding required documents by the concerned contractors, despite written/verbal requests,” ayon sa COA report.

Sa lahat ng distrito ng DPWH, ang Region 9 ang lumalabas na mayroong pinakamalaking ‘unrecovered advances’ para sa 81 na nakumpletong projects na nagkakahalaga ng P330.34 milyon, habang ang Laguna 1st District Engineering Office ang may pinakalamalaking ‘unrecouped advances’ para sa pitong proyekto na ‘rescinded or terminated’ na nagkakahalaga ng P41.13 milyon.

Imahe mula sa DPWH

Maliban dito, sinita rin ng COA ang 461 infrastructure projects ng ahensiya na may ‘technical defects’ o ‘deficiencies’ na nagkakahalaga ngP376.138 milyon.

Karamihan sa proyektong nabanggit ay mga school buildings, classrooms at multipurpose buildings, flood-control projects, road widening and upgrading, at construction, maintenance o improvement ng mga tulay.

Kaugnay nito, binalaan ng state auditors ang DPWH na maglalabas sila ng notice of suspension/notice of disallowance/notice of charge kapag hindi naayos o naitama ang kanilang nadiskubreng pagkukulang ng ahensiya.

Loading…