Ano ang ibig sabihin ng “Pagkahaba-haba man ng prusisyon sa simbahan din ang tuloy?”

  • May isang salawikaing pamilyar sa nakararami
  • Ito ay ang “Pagkahaba-haba man ng prusisyon sa simbahan din ang tuloy”
  • Iniugnay ito ng iba’t ibang mga netizens sa kanilang pansariling karanasan

“Pagkahaba-haba man ng prusisyon sa simbahan din ang tuloy.” Pamilyar ka ba sa salawikaing iyan?

Ayon sa mga nakatatanda, ang ibig sabihin ng salawikaing iyan ay maaaring maikapit hindi lamang sa usapin ng pag-ibig, kundi maging sa iba pang mga aspeto ng buhay, gaya ng pagtitiyaga at pagtitiis.

Public Domain Image

Kung sa usapin ng pag-ibig, gawin nating halimbawa ang naging karanasan ng binatang itatago natin sa pangalang Charles, 32 taong gulang, isang propesyunal na nagtatrabaho bilang Assistant Manager sa isang marketing company sa Bonifacio Global City. Aniya, sa tuwing naririnig o nababasa niya ang salawikaing iyan, hindi niya mapigilang mapangiti. Naaalala raw niya kung ano ang pinagdaanan niya sa kaniyang panliligaw sa kaniyang misis noon.

Salaysay niya, umabot daw ng dalawang taon ang naging panliligaw niya sa dati niyang kasintahan, na ngayon ay kabiyak na ng kaniyang puso. Sa dalawang taong paniningalang-pugad kay Divine, tatlo o apat na beses yata siyang binasted. Mapalad umano siya dahil kahit binasted na siya ay pinagtiyagaan pa rin niya ang napakahabang proseso dahil sa simpleng dahilan—mahal na mahal niya ang dalaga.

“Tinamaan talaga ako sa kaniya. Siya ang una at huling babaeng minahal ko, kaya kahit umabot pa ng dalawang taon ang panliligaw ko sa kaniya, ayos lang. Worth it naman,” nakangiting pagbabahagi ni Charles. Sa ngayon biniyayaan na sila ng dalawang supling at masayang namumuhay.

Para naman kay Abigail, 25 taong gulang, maiuugnay niya ang naturang salawikain sa kaniyang napakatagal na pag-aaral. Isa siyang working student at makailang beses nang huminto sa kolehiyo upang matugunan ang pangangailangan ng kaniyang pamilya.

Public Domain Image

Subalit sa paunti-unting pagkuha ng units at pagiging irregular, nakamit din niya ang inaasam na diploma. Siya ay nagtapos lang naman ng BS Management sa isang state university.

“Mahirap ang maging working student, pero tiyaga lang. Tiis lang. Tipid-tipid. Wala namang problemang hindi nasosolusyunan. Laban lang nang laban,” payo ni Abigail sa mga kagaya niya.

Kung i-uugnay naman kay Ricardo, isang guro sa pribadong paaralan, pumapatungkol ito sa kaniyang pangarap na dream house na naipatayo na niya para sa kaniyang mahal mga magulang. Simula nang magtrabaho siya, sinimulan na niya ang pagbili at pagpapagawa nito, kahit paata-atado lamang. At ngayon, nakatirik na ang bahay at maaari nang panirahan.

“Mahalaga kasi ang magkaroon ng sariling bahay; pakiramdam mo secured ka at walang basta-bast makapagpapalayas sa iyo. Kaya kahit mahirap, nagpursige talaga ako. Makalipas ang halos isang dekada, nabuo ko na ang pangarap kong bahay. Sa bawat maliliit na steps o hakbang, makakarating ka rin sa dulo,” aniya.

Public Domain Image

Ikaw, paano mo i-uugnay sa iyong sarili ang naturang salawikain? Maaari mong ibahagi sa comment section ng artikulong ito!

Loading…