Ano nga ba ang mga senyales na ikaw ay “Plantito o Plantita?”

  • Nauso ang pagtatanim o pag-aalaga ng mga halaman nitong community quarantines
  • Tinatawag na “plantito at plantita” ang mga gumagawa nito
  • May mga senyales na nagpapakitang ganito ka na nga

Kung may magagandang bagay mang naidulot ang mga lockdowns o community quarantine simula nang lumaganap ang COVID-19 sa bansa, ito ay ang pagbubukas sa hilig ng maraming mga Pilipino sa pag-aalaga ng mga halaman. Kaya naman, nauso ang mga terminong “Plantito” at “Plantita.”

Kagaya na lamang ni Aling Luisa, 51 taong gulang, isang solo parent na nawalan ng trabaho sa pinapasukan niyang pabrika ng mga home decorations dahil sa ipinatupad na community quarantine sa Bulacan. Aniya, nakatulong sa kaniya nang malaki ang pag-aalaga ng mga halaman at bulaklak sa bakuran upang maibsan ang kaniyang kalungkutan.

Public Domain Image

“Binuhay ko ang mga anak ko sa pamamagitan ng paggawa ng decors. Pero makalipas ang halos 20 taon, bigla akong natigil dahil sa ECQ. Hindi ako sanay na walang ginagawa, kaya napagdesisyunan kong magtanim sa bakuran namin. Noong una, sa mga basyo o plastik na bote lang ako nagtatanim. Pero nakahiligan ko na, kaya namili na ako ng mga paso,” salaysay ni Aling Luisa.

Iba naman ang naging dahilan ni Ian, 27 taong gulang, ang certified plantito ng Quezon City. Nataon daw kasi na nakipaghiwalay sa kaniya ang nobya bago ang ECQ. Dahil hindi naman maaaring umalis at maglakbay upang makapagnilay sa sarili niya, minabuti na lamang niya na magtanim-tanim.

Alam mo ba kung ano ang naging mga pananim niya? Ampalaya. Imbes na magmukmok, pinili niyang ibaling ang kaniyang atensyon dito. Mabilis naman itong nagsilakihan, at nabigyan pa niya ang mga kapitbahay.

“Kinakausap ko pa ang mga pananim ko. Nagulat din ako na ampalaya ang naisip kong itanim. Siguro bitter na bitter kasi ako that time dahil nga sa break-up namin ng girlfriend ko. Nakatulong talaga ang pagtatanim kasi na-divert ang atensyon at feelings ko,” kuwento ni Ian.

Public Domain Image

Ano nga ba ang mga senyales na isa ka nang certified plantito at plantita? Ayon sa artikulong “Real Living,” narito ang mga maaari mong makita sa sarili mo. Una, puro na lamang halaman ang mga kuha mong larawan o selfie sa iyong mga social media platforms gaya ng Facebook at Instagram

Pangalawa, halos lahat ng makikita sa loob at labas (pati bubungan at bintana) ng iyong bahay ay may iba’t ibang uri ng halaman, na karamihan ay nakapaso pa, o nakatanim sa isang plastic container.

Pangatlo, hindi ka uuwi hangga’t hindi ka nakabibili ng pananim, buto, o nakakahingi sa inyong kapitbahay upang may maitanim ka. Ang pinakamalala, kapag may nakita kang halaman sa daan o bakanteng lote at alam mong walang may-ari, dadalhin at iuuwi mo na ito sa bahay.

Pang-apat, kinakausap mong parang pet ang mga halaman, at minsan ay pinapangalanan pa. At panlima, halos buong oras mo ay ginugugol mo sa pagdidilim, pag-aayos, o pangangalaga sa iyong mga pananim, na maaari mo ring pagkakitaan. Nagiging tambayan mo na ang iyong garden.

Public Domain Image

Ikaw, certified plantito at plantita ka na rin ba kagaya nina Aling Luisa, Ian, at iba pa?

Source :

Real Living

Loading…