Anti-corruption task force ng gobyerno, tututukan ang ‘malalaking isda’

USec. Aglipay-Villar| Imahe mula sa PNA
  • ‘Malalaking isda’ ang tututukan ng binuong anti-corruption task force, ayon kay USec. Aglipay-Villar
  • Ito ay ang matataas na opisyal umano at yaong nasa P1-B pataas ang nawala sa kaban ng bayan
  • Nilinaw naman ng tagapagsalita ng DOJ na hindi siya kasali sa investigating panel

Tututukan ng ‘mega-task force’ ng Department of Justice (DOJ) ang mga ‘malalaking isda’ o partikular na ang mga matataas na opisyal na sangkot sa katiwalian; yaong mga transaksiyon na P1-bilyon pataas at mga ahensiyang nagbibigay ng mahalagang serbisyo sa publiko.

Sa panayam ng Dobol B kay DOJ Undersecretary Emmeline Aglipay-Villar, sinabi ng opisyal na binabalangkas na ng core group ang mekanismo ng task force at kabilang dito ang pagbuo ng  mga ‘strike teams’ na tututok sa bawat ahensiyang sisilipin.

Usec Aglipay-Villar at Sec. Villar| Imahe mula sa ABS-CBN News

Sabay-sabay na mag-iimbestiga ang mga strike teams at kailangang tingnan ng mga ito kung gaano kalala at gaano kalaki ang perang nakuha sa kaban ng bayan.

“Napag-usapan na siguro ang amount na puwedeng tingnan ay P1 billion o mahigit pero kahit na mas konti doon kung ang involved na kawani ay nasa matataas na position o kung ‘di naman kaya ang services na involved ay malaki ang impact sa publiko tulad ng PhilHealth na ngayong pandemiya na ito,” paliwanag ni Aglipay-Villar.

Iginiit din ni Aglipay-Villar na walang ‘exempted’ sa kanilang imbestigasyon kabilang na sina DOH Secretary Francisco Duque III at ang kaniyang sariling mister na si DPWH Secretary Mark Villar na una nang ipinagtanggol ni Pangulong Duterte.

Bagama’t may tiwala daw ang Pangulo kina Sec. Duque at Sec. Villar, hindi ito nangangahulugan na inaabsuwelto na sila ng Malakanyang.

Screenshot mula sa ANS-CBN video

“Kahit sinong secretary at sinong opisyal ng gobyerno ay kailangan kasuhan kung may mahahanap na ebidensiya sa imbestigasyon,” ayon pa sa opisyal.

Nilinaw naman ni Aglipay-Villar na hindi siya kasama sa investigating panel at siya ay mananatiling tagapagsalita lamang ng DOJ.

Nauna nang ibinahagi ni Justice Secretary Menardo na limang ahensiya ang kanilang tututukan at ang mga ito ay ang PhilHealth, Bureau of Customs (BOC), Bureau of Internal Revenue (BIR), Land Registration Authority (LRA), at ang Department of Public Works and Highways (DPWH).

Loading…