Bagong lineup ng iPhone 12, 5G technology ilulunsad na ngayong Apple event 2020

Imahe mula sa MacRumors
  • Ilulunsad na ang bagong lineup ng iPhone 12 ngayong Martes, October 13
  • Inaasahang apat na bagong models ng iPhone ang ipakikilala ng Apple
  • Malaki rin ang posibilidad na 5G-capable na ang mga iPhone 12 models

Para sa mga loyal fans ng iPhones at iba pang iOS devices, ang Oktober 13 ay maituturing na isang napakalaking event sapagkat ito ang petsa kung kailan inaasahang ilulunsad ng Apple ang bagong lineup ng kanilang iPhones.

Sa Martes ay ipakilala na ang lineup ng iPhone 12 na inaasahang 5G-capable  matapos ibahagi ng Cupertino company sa kanilang invites ang teaser na may nakasaad na ‘Hi, Speed’.

Imahe mula sa Twitter/ Neil Cybart

Ang 5G ang pinakabagong teknolohiya sa mobile network na lubhang napakabilis kumpara sa kasalukuyang 4G. Bagama’t una nang nailunsad ng ibang brands tulad ng Samsung at Huawei ang 5G technology sa kani-kanilang units, inaasahan pa ring marami ang magkakainteres sa 5G iPhones kapag nailunsad na ito ng Apple.

Maliban sa 5G, usap-usapan rin ang bagong lineup ng iPhones na pinaniniwalaang apat imbes na tatlo lamang tulad ng nakagawian dati ng kumpanya ni Tim Cook.

Ayon sa mga lumabas na ulat, ang apat na iPhones ay papangalanang ‘iPhone 12’, ‘iPhone 12’ Max, ‘iPhone 12 Pro’, at ‘iPhone 12 Pro Max. Ang screen size nito ay naglalaro sa 5.4” hanggang 6.7”, base na rin sa mga usap-usapan.

Samantala, ang magiging presyo umano ay mula sa $699 hanggang $1,199.

Imahe mula sa Phone Arena

Ganunpaman, lahat ng ito ay pawang mga hula lamang na walang kumpirmasyon at kailangang abangan ang opisyal na paglulunsad ng mga nasabing units sa Martes.

Ito ang kauna-unahang pagkakataon na hindi sa buwan ng Setyembre gaganapin ang Apple launch ng mga bagong models ng iPhones dahil na rin sa umiiral na pandemya.

Bagama’t nagkaroon ng September event ang kumpanya, ito ay para ilunsad lamang ang bagong iPad models, iWatch at Apple One subscription service.

Loading…