Bagong uri ng snail na sinlaki ng langgam, nadiskubre sa Rizal

Imahe mula sa Masungi Georeserve
  • Nadiskubre sa isang conservation site sa Baras, Rizal ang bagong subspecies ng microsnail
  • Sinlaki lang ng langgam ang Hypselostoma latispira masungiensis na nadiskubre sa Masungi Georeserve
  • Ang masungiensis ay subspecies ng Hypselostoma latispira na natagpuan sa Baguio City noong 1984

Isang uri ng land microsnail na sinlaki lang ng langgam ang nadiskubre ng mga scientists mula sa University of the Philippines-Los Baños sa isang nature reserve sa Baras, Rizal.

Imahe mula sa Masungi Georeserve

Ang pagkakadiskubre na ibinalita ng Masungi Georeserve, kung saan ito nadiskubre, ay inilathala sa Philippine Journal of Systematic Biology Volume 14 issue number 3 na lumabas noong nakaraang buwan ng Setyembre.

Ang bagong microsnail subspecies, na endemic sa naturang conservation site, ay pinangalanang Hypselostoma latispira masungiensis. Lumalaki ito sa sukat na hindi lalampas sa 5 millimeters at matatagpuang nakadikit sa mga limestone boulders habang nanginginain ng mga lumot.

Tatlong taon ang ginugol ng mga Pinoy scientists na sina Harold Lipae, Angelique Estabillo, Ian Kendrich Fontanilla and Ryan de Chavez sa ginwang pag-aaral, specimen collection at masusing morphological at DNA analysis bago inilathala sa journal.

Ayon sa kanilang pag-aaral, ang masugiensis ay subspecies ng Hypselostoma latispira na natagpuan sa Baguio City noong 1984. Bagama’t nagkakaiba sila sa shell size at shell structure, ang kanilang gene similarity ay nasa 99.98 percent.

Imahe mula sa Masungi Georeserve

Ang mga Hypselostoma snails ay umaasa sa karst o landscape na binubo ng limestone dahil sagana ito sa calcium na ginagamit nila sa kanilang shells at mga itlog.

Dahil sa pagkakadiskubre sa bagong microsnail subspecies ay nabigyan ng importansya ang kahalagahan na mapangalagaan ang Masungi Georeserve at iba pang karst ecosystems bilang “areas of high conservation value.” Dapat itong mabigyan ng proteksyon laban sa mga mapanirang gawain tulad ng quarrying at land trafficking na nakasisira ng naturang landscape.

Screenshot mula sa video ng Masungi Georeserve

Loading…