
- Barrier sa pagitan ng driver at pasahero obligado sa motorcycle taxi
- Hinihikayat pero hindi obligado ang mga pasahero na magdala ng sariling helmet
- Inindorso na ng IATF sa House committee on transportation ang pagpapatuloy ng pilot study ng motorcycle taxi
Sa sandaling magsimulang muli ang kanilang operasyon, oobligahin na ang mga motorcycle taxi operators gaya ng Angkas at JoyRide na maglagay ng barrier sa pagitan ng driver at pasahero upang maiwasan ang COVID-19 transmission.

Ipinaliwanag ni Department of Interior and Local Government Secretary Eduardo Año na kailangan ang barrier dahil hindi magkakilala ang driver at pasahero. Hinihikayat naman ang mga pasahero na magdala ng sariling helmet, subalit hindi ito obligado.
“Sa motorcycle taxi ay talagang requirement ‘yung barrier kasi hindi ‘yan magkakakilala eh. At saka ‘yung paggamit ng helmet, ini-encourage natin ‘yung mga commuters sana meron kayong sariling helmet para hindi kayo manghihiram,” wika ni Sec. Año.
Pahihiramin naman ng helmet ang mga pasaherong walang dala nito, subalit kailangang tiyakin ng driver na na-disinfect ang helmet na ginamit ng naunang pasahero bago ito ipasuot sa susunod na pasahero.
Ayon kay Sec. Año, malaking tulong sa mga mananakay ang pagbabalik ng motorcycle taxi kaugnay ng unti-unting pagbubukas ng ekonomiya ng bansa.

Paliwanag niya, kahit ipinatutupad na ang “one-seat-apart” rule sa mga pampublikong sasakyan upang mas maraming mga pasahero ang maisakay, tinatayang aabot sa 400,000 ang posibleng ma-stranded dahil sa kakulangan ng masasakyan.
“The motorcycle taxi plus the appropriate barrier naman ay additional ‘yan. Napakalaking tulong niyan sa ating mga commuters,” wika ng Kalihim.
Samantala, umaasa naman ang mga ride-hailing service providers na makapamasada na ang kanilang rider-partners matapos ang ginawang rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases sa House committee on transportation na ituloy ang pilot study sa motorcycle taxi.
