Bettor na nanalo ng P339-M jackpot sa 6/58 Ultra Lotto kinuha na ang premyo

Imahe mula sa PCSO-Facebook
  • Kinuha na ng masuwerteng mananaya mula sa Quezon City ang kaniyang jackpot prize sa Ultra Lotto 6/58
  • Umabot sa P339,217,037.60 ang napanalunan ng lone bettor at kakaltasan ito ng 20% alinsunod sa TRAIN law
  • Ibinahagi ng PCSO ang larawan ng masuwerteng bettor na mayroong takip ang mukha

Pumunta na sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa Mandaluyong City ang masuwerteng mananaya na nanalo ng mahigit P300-M jackpot sa Ultra Lotto 6/58 na binola Setyembre 6.

Umabot sa P339,217,037.60 ang napanalunan ng lone bettor mula sa Quezon City matapos mahulaan nang tama ang anim na numerong lumabas na 18-19-28-09-01-11.

Screenshpot mula sa PCSO-Facebook

Ayon sa Facebook page ng PCSO, isang avid na mananaya ng lotto ang mapalad na bettor simula pa noong 1995.

Inilabas din ng PCSO ang larawan ng bettor subalit may takip ang mukha. Humiling din umano ito na huwag nang isapubliko kung kailan siya nagsadya sa PCSO para kunin ang kaniyang premyo.

Base naman sa ulat ng Philstar, isang senior citizen ang nanalo na mayroong ilang anak. Hindi umano niya inaasahan na mananalo siya ng ganun kalaking pera.

“Ngayon, alam ko na kung paano ko mapapatapos at mabibigyan ng magandang buhay at kinabukasan ang aking mga anak,” wika ng masuwerteng bettor.

Imahe mula sa PCSO-Facebook

“Alagang numero ko ang mga ito,” dagdag pa nito.

Si PCSO General Manager Royina M. Garma mismo ang personal na nag-abot ng tseke sa lalaki.

Alinsunod sa Tax Reform Acceleration and Inclusion (TRAIN) law, makakaltasan ang kaniyang premyo ng 20 porsiyento subalit aabot pa rin sa mahigit P282-M ang kaniyang maiuuwi.

Bukod sa kaniya, mayroon pang 57 bettor na nanalo rin ng P120,000 kada isa dahil nahulaan nang tama ang 5 sa 6 na winning combination.

Mahigit P339-M jackpot sa Ultra Lotto 6/58 napanalunan na

Ang nabanggit na bettor ang pangatlong nanalo ng jackpot prize sa lotto sa loob lamang ng isang linggo noong Setyembre.

Loading…