Bilang ng gumaling sa COVID sa bansa halos 300,000 na sa mahigit 339K kasalukuyang kaso

Imahe mula sa IFRC/RCS
  • Umabot na sa halos 300,000 ang bilang ng COVID recoveries, ayon sa DOH
  • Patuloy pa rin ang pagtaas ng bilang ng kaso ng coronavirus na pumalo na sa mahigit 339K
  • Umakyat na rin sa pang-18 ang Pilipinas sa listahan ng may pinakamaraming kaso ng COVID sa mundo

Pumalo na sa halos 300,000 ang bilang ng gumaling sa coronavirus sa bansa, ayon sa datos ng Department of Health (DOH) nitong Linggo, Oktubre 11.

Ito ay matapos makapagtala ng panibagong 17,057 recoveries kaya umabot na sa 293,075 ang kabuuang bilang ng mga gumaling sa virus nitong Linggo.

Screenshot mula sa DOH

Samantala, umakyat rin sa 339,341 ang bilang ng tinamaan ng COVID-19 matapos madagdagan muli ito ng 2,502 bagong kaso. Ganunpaman, bumaba rin ang active cases na 39,945 na lamang.

Sa kabila nito, patuloy pa rin ang pag-akyat ng Pilipinas sa listahan ng bansang may pinakamaraming kaso ng COVID-19 sa kasalukuyan.

Sa pinakahuling talaan ng worldometer, nasa pang-18 na ang Pilipinas sa listahan na pinangungunahan pa rin Estados Unidos (7,991,998), India (7,119,300), Brazil (5,094,979), Russia (1,298,718) at Colombia (911,316).

Screenshot mula sa worldometer

Nalampasan na ng Pilipinas ang Saudi Arabia (339,267), Turkey (335,533), Indonesia (333,449) at Germany (326,291).

Sa kabuuan, umabot na sa 37,736,119 ang bilang nga kaso ng coronavirus sa buong mundo; 28,342,318 dito ay gumaling na at 8,312,555 naman ang active cases; habang 1,081,246 naman ang sinawimpalad.

Noong isang linggo, ibinahagi ng OCTA Research Team ng University of the Philippines (UP) ang kanilang pinakahuling pag-aaral kung saan sinabi nito na patuloy na ang pagbaba ng bilang ng kaso ng coronavirus sa bansa na isang magandang indikasyon umano na patungo na tayo sa ‘flattening the curve’.

Imahe mula sa DOH

“On the way to flattening of the curve na tayo sa NCR, pero sa buong bansa, hanggang may tumataas pa na mga kaso, hindi pa natin masasabi na na-flatten na. Hopefully, macontrol iyan kasi hindi naman ganoon karami yung cases,” ayon kay Professor Guido David ng OCTA.

Gayunpaman, iminumungkahi ng research team na pairalin ang mas mahigpit na quarantine restriction sa mga lugar na itinuturing na ‘high risk’ o yaong patuloy pa rin ang pagtaas ng kaso ng virus.

Loading…