Cabinet members inirekomenda ang mas maikling curfew hours na 12 midnight to 4 a.m.

Imahe mula sa UNTV
  • Inirekomenda ng Cabinet members na paikliin sa apat na oras ang curfew hours sa Metro Manila
  • Ang rekomendasyon ay mula alas-dose ng hatinggabi hanggang alas-kwatro ng madaling araw
  • Kapag naaprubahan ang rekomendasyon ay kailangang gumawa ang mga LGU ng ordinansa para sa bagong curfew hours

Inirekomenda ng Gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte na paikliin sa apat na oras ang curfew hours sa Metro Manila. Sa kasalukuyan ay 10 pm to 5 am ang curfew hours na ipinatutupad sa rehiyon at inirekomenda iyong gawing simula alas-dose ng hatinggabi hanggang alas-kwatro ng madaling araw.

Imahe mula sa Manila PIO

“Ang desisyon po ng Gabinete, irekomenda na nga sa lahat ng mga local government units na paikliin na iyong curfew,” pahayag ni Presidential Spokeperson Harry Roque.

Nilinaw ni Roque na kung maaaprubahan ang rekomendasyon ng Gabinete ay kakailanganin ng mga local government units na gumawa ng ordinansa hinggil sa bagong curfew hours na ipaiiral.

“Ito po ay rekomendasyon sa mga local government units, dahil sila naman po ang magpapatupad nito sa pamamagitan ng mga ordinansa,” paliwanag niya.

Inaasahang sa pagpapaikli ng curfew hours na madadagdagan ang work shift ng mga manggagawa at darami ang mga taong makabibili sa mga establisyimento.

“Kasama rin po sa priority areas para ma-manage ang COVID-19 cases ay pagkonsidera sa mga incremental opening ng mga negosyo sa pamamagitan ng mas maikling curfew hours at mas maraming work shifts para magkaroon nang mas maraming manggagawa at mamimili,” ani Roque.

Imahe mula sa PCOO

Pabor si San Juan City Mayor Francis Zamora na paikliin ang curfew hours dahil makatutulong ito para mas humaba ang oras ng operasyon ng mga negosyo.

“What we have to really do now is to revive the economy, sapagkat hirap na hirap na rin ang ating ekonomiya at alam n’yo naman ang San Juan maliit na lungsod lang kami. We rely heavily on business taxes,” ani Zamora.

Tutol naman si Navotas City Mayor Toby Tiangco sa panukala dahil baka abusuhin lang daw ng mga mahihilig tumambay ang pinaikling curfew hours.

Curfew violators/Imahe mula sa PNA

Loading…