College student sa sementeryo nag-o-online learning para makasagap ng signal

Imahe mula sa 'Bayan Mo, Ipatrol Mo
  • Isang estudyante ang kailangang pumunta ng sementeryo para lamang makapag-online learning
  • Doon siya nag-aaral sa himlayan ng kaniyang lola dahil malakas umano ang signal ng internet doon
  • Noong una ay natatakot pa siya pero nasanay na rin si Jonica kinalaunan, ayon sa kaniyang kapatid

Hindi maipagkakaila na isang malaking hamon ngayon sa kapwa guro at estudyante ang ipinatutupad na online learning sa mga eskuwelahan. Isa sa mga ugat ng problema ay ang mahinang internet connection ng mga telcos lalo na sa malalayong probinsiya.

Tulad na lamang sa San Antonio, Nueva Ecija kung saan isang college student ang kinakailangang pumunta pa ng sementeryo para lamang makapag-aral nang maayos.

Imahe mula sa Bayan Mo, Ipatrol Mo

Ayon sa kuwento ng isang Bayan Patroller na si Paula Eugenio sa ‘Bayan Mo, Ipatrol Mo’, kinakailangang gumising nang maaga ng kaniyang anak na si Jonica Lou Eugenio para maghanda sa kaniyang klase.

Subalit sa halip na pumunta sa kanilang paaralan ay sa sementeryo dumidiretso si Jonica; kung saan nakahimlay ang kaniyang lola.

Ito ay dahil malakas ang sagap ng signal doon sa puntod ng kaniyang lola kaya nagpasiya ang estudyante na doon na lang manatili habang patuloy ang online learning.

“Naiinggit nga raw po siya sa mga kaklase niya dahil sila nasa bahay lang, kahit 7:30 pa gumising ayos lang, pero siya po, napupuyat sa mga school works tapos maaga pa pong gigising,” kuwento pa ni Paula sa ‘Bayan Mo, Ipatrol Mo’.

Ganito rin ang ibinahaging kuwento ng kapatid ni Jonica na si James Fuentes Eugenio sa Philstar.

Imahe mula kay James Fuentes Eugenio via Philstar

Ayon kay James, wala raw signal sa bahay nina Jonica kaya kailangan niyang pumunta sa puntod ng kanilang lola. Mabuti na lamang at malapit ang bahay nina James sa sementeryo kaya kahit paano ay nasasamahan niya ang kaniyang kapatid.

“Nung una medyo natatakot siya pero sa pagtagal nasanay na din. Okay lang naman sakin kasi tabi lang naman ng bahay ko ‘yung sementeryo kaya nasasamahan ko naman siya,” kuwento ni James.

Si Jonica ay 17 anyos at first year college ngayong pasukan. Ayon sa kaniyang nanay, consistent honor student si Jonica kaya pursigido ito sa pag-aaral sa kabila ng hirap na nararanasan.

Loading…