Comm. Belgica ng PACC sinampahan ng reklamong graft ng mga empleyado ng Duty Free

Imahe mula sa Facebook
  • Nahaharap sa kasong graft si anti-corruption commissioner Greco Belgica
  • Nag-ugat ang kaso sa reklamo ng grupo ng empleyado ng Duty Free
  • Ginamit umano ni Belgica ang kanilang kaso para sa pansariling interes

Sinampahan ng kasong graft at administratibo si Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) commissioner Greco Belgica ng grupo ng mga empleyado ng Duty Free Philippines Corp (DFPC) sa opisina ng Ombudsman.

Ang kaso ay nag-ugat sa reklamo nina DFPC employees Alexander Sablan, Ernesto Mangalindan, Romeo Silva Jr., Eric Oracion, Rizalino Santos, Nilo Duarte, Joaquin Vibal, Francis Daco at Carlito Ardales tungkol sa diumano’y paggamit ng posisyon ni Belgica para magkaroon ng koneksiyon sa mga negosyante ng Duty Free.

Imahe mula sa The Moodie Davitt Report

Dahil dito pinaiimbestigahan sa Ombudsman si Belgica dahil sa posibleng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act bukod pa sa kasong administratibo na grave misconduct, conduct prejudicial to the service at gross inexcusable negligence.

Ayon sa complainants, nagsampa sila ng reklamo noong 2018 laban sa DFPC officials dahil sa usapin ng labor contract. Ipinagkatiwala umano nila kay Belgica ang mga dokumento at ebidensiya sa kaso.

Subalit laking pagkadismaya raw nila nang lumabas sa rekomendasyon ni Belgica na kasuhan lamang ang ilang ‘public officials’ at nawala ang mga pangalan ng DFPC officials.

“Naging pabaya at binalewala na ni Comm. Greco Belgica ang aming kaso na inilapit sa kanya, gamit ang pakunwaring adbokasiya nila laban sa korapsyon kaya siguro sinauli nila ang pera namin,” wika ng grupo.

Giit pa ng complainants, minsan na umanong nakita si Belgica na nagdo-donate ng mga groceries mula sa Puregold na ipinamimigay sa mga tao. Malinaw daw na ginamit ni Belgica ang kanilang kaso para sa pansariling interes.

Bukod dito, pinagbayad din daw sila ng P130,000 para sa pagsampa ng reklamo subalit ang pera ay isinauli rin ng law firm ng kapatid ni Belgica na may hawak ng kanilang kaso.

Imahe mula sa Wikipedia

Depensa naman ng PACC commissioner, binigay nila sa grupo ang lahat ng maitutulong at sa lahat ng mga opisyal na nilapitan ng mga ito ay siya lang ang tumulong.

“Nakakalungkot na they have to go this low para lang sirain ang pangalan ko (It is sad that they have to go this low to destroy my name),” ayon kay Belgica. “To tell you the truth, we’ve been kind, patient, and gracious to them.”

Nangako rin ang opisyal na sasagutin niya ang reklamo at magsasampa rin ng countercharge upang linisin ang kaniyang pangalan,

Loading…