Coronavirus nananatili sa cellphones, bank notes sa loob ng 28 araw, ayon sa pag-aaral

Imahe mula sa The Queen's Journal
  • Isang pag-aaral ng mga scientists sa Australia ang nagsabing nananatili ang virus sa mga cellphone at pera sa loob ng 28 na araw
  • Ang research ay isinagawa sa kuwartong madilim at may 20 degrees na temperatura lamang
  • Mahalaga umano ang kanilang natuklasan upang makatulong sa pagpigil ng pagkalat ng pandemya

Isang pag-aaral ng Australian Centre for Disease Preparedness ang diumano’y nakadiskubre na nananatiling aktibo ang SARS-CoV-2, ang virus na sanhi ng COVID-19, sa mga screen ng cellphone, perang papel at mga gamit na gawa sa stainless steel sa loob ng 28 na araw.

Ang research ay isinagawa sa loob ng isang kuwarto na madilim at may room temperature lamang na 20 degrees Celsius. Dito ay naobserbahan umano na nanatiling ‘buhay’ ang coronavirus sa mga salamin ng cellphone, papel na pera at mga grab handles at railings na gawa sa stainless steel.

Imahe mula sa CNet

Nauna nang napatunayan na humihina ang bisa ng virus dahil sa epekto ng ultraviolet light at kapag ang temperature ay umakyat na sa 40 degrees kung kailan ito ay hindi tumatagal sa loob ng isang araw.

Ang resulta ng pag-aaral umano ay nagpapatunay na maaaring mahirap kontrolin ang coronavirus kapag malamig ang panahon kumpara sa tag-init.

“Our results show that SARS-CoV-2 can remain infectious on surfaces for long periods of time, reinforcing the need for good practices such as regular hand washing and cleaning surfaces,” ayon kay Debbie Eagles, ang deputy director ng research center.

Imahe mula sa Depositphotos

Napatunayan din na mas tumatagal ang virus sa mga smooth o nonporous surfaces kumpara sa mga porous complex surfaces tulad ng cotton.

“While the precise role of surface transmission, the degree of surface contact and the amount of virus required for infection is yet to be determined, establishing how long this virus remains viable on surfaces is critical for developing risk mitigation strategies in high contact areas,” ayon pa kay Eagles.

Isang mahalagang aspeto ng ginawang pag-aaral ang pananatili nang matagal ng virus sa mga salamin tulad ng cellphone, bank ATMs, supermarket self-serve checkouts at airport check-in kiosks sapagkat posibleng hindi ito regular na nililinis.

Imahe mula sa Discover Magazine

Importante rin umano ang kanilang nadiskubre sa survival rate ng virus sa mga perang papel lalo pa’t isa ito sa pinakamaraming circulation na maaaring naging dahilan ng transmission sa pagitan ng mga tao at mabilis na pagkalat nito sa iba’t-ibang lugar.

Ang matagal naman na pagkapit ng virus sa mga stainless steel at malalamig na lugar ay maaaring siyang dahilan ng outbreak sa mga meat processing at cold storage facilities.

Loading…