COVID response ng gobyerno aprubado sa karamihan ng mga Pinoy – SWS

Screenshot mula sa RTVM facebook video
  • Aprub sa karamihan ng mga Pinoy ang naging hakbang ng gobyerno para sugpuin ang COVID crisis, ayon sa SWS survey
  • Marami ang nagsabing sapat naman ang naging hakbang ng gobyerno sa pagpapalaganap ng impormasyon at pagtiyak na mayroong murang COVID test
  • Mababa lang ang marka ng gobyerno pagdating sa pagtulong sa mga nawalan ng trabaho

Aprubado sa karamihan ng mga Pilipino ang naging hakbang ng pamahalaan para labanan ang coronavirus pandemic sa bansa base sa resulta ng pinakahuling Social Weather Station (SWS) survey.

Ayon sa survey ng isinagawa mula Setyembre 17 hanggang 20, umabot sa 71 porsiyento ng mga respondents ang nagsabing ‘adequate’ o sapat naman ang naging aksiyon sa pagbibigay ng impormasyon upang labanan ang COVID-19, at 22 porsiyento lamang ang nagsabing ‘inadequate’ o hindi ito sapat.

Imahe mula sa Voice of America

Samantala, 6 na porsiyento naman ang nagsabing sila ay ‘undecided’. Mula dito, +49 ang natanggap na net adequacy score ng gobyerno.

Para naman sa ginagawang contact tracing, 67 porsiyento ang nagsabing sapat ang ginagawang aksiyon ng pamahalaan kumpara sa 23 porsiyentong nagsabi na ‘inadequate’ ito para sa net adequacy score na +43.

‘Undecided’ naman ang  9 na porsiyento tungkol sa usaping ito.

Sa larangan naman ng naging hakbang ng gobyerno para tiyaking ‘affordable’ ang COVID testing, 54 porsiyento ang nagsabing ‘adequate’, 33 porsiyento ang nagsabing ‘inadequate habang 11 porsiyento naman ang ‘undecided’ para sa net adequacy score na +21.

Medyo mababa lamang ang nakuhang marka ng pamahalaan sa naging hakbang nito para tulungan ang mga nawalan ng trabaho dahil sa pandemya.

Imahe mula sa USNews.com

Sa larangang ito, 44 porsiyento ang nagsabing sapat ang naging aksiyon ng gobyerno kumpara sa 46 porsiyento na nagsabing hindi, habang 9 porsiyento ang ‘undecided’ para sa net adequacy score na -2.

Ang survey ay ginawa umano ng SWS sa pamamagitan ng pagtawag sa cellphone at computer-assisted telephone interviews sa 1,249 na mga Pilipino.

Ito ay may sampling error margin na ±3% para sa national percentages, ±6% para sa Metro Manila, ±5% sa Balance Luzon, ±6% sa Visayas, at ±6% para sa Mindanao.

Loading…