“Crispy Dahon ng Langka”, iminungkahing recipe kung wala nang maulam dahil sa ECQ

  • Iminungkahi sa isang Facebook page ang naiibang recipe na madaling gawin habang lockdown
  • Ito ay ang “Crispy Dahon ng Langka” o Jackfruit leaves
  • Bukod sa mga nilinis na dahon, ang mga sangkap nito ay isang malaking itlog, cornstach o harina, asin, paminta, at pampritong mantika

Lumalabas ang likas na pagiging mapamaraan ng mga Pilipino sa gitna ng krisis pagdating sa paggamit ng mga gulay upang mairaos pa rin ang pang–ulam para sa hapag–kainan. Habang ang marami ay wala pang natatanggap na ayudang pinansiyal o relief packs, kaniya–kaniya silang paraan upang makapagluto ng mga ulam na matatagpuan lamang sa paligid. Pagdating sa bagay na iyan, bidang–bida ang mga dahon o gulay na maaaring kainin.

Kaya naman, pinag–usapan ng mga netizens ang kakaibang recipe sa Facebook page na “Food Recipes” tampok ang “Crispy Dahon ng Langka” na bagay na bagay para sa enhanced community quarantine. Ang langka o jackfruit ay isang uri ng prutas na may makapal at patusok na balat at maaaring lutuin at gawing ulam na “ginataang langka”.

Imahe mula sa facebook page na Food Recipes

Ayon sa caption, “Lockdown Home Quarantine crisis ba kamo  at wala na pambili ng ulam? May puno ba kayo diyan ng langka? Iyan po pwedeng–pwede gawing ulam, hindi lamang prutas kundi pati dahon po. ‘Crispy Dahon ng Langka’.

Ayon sa post, maaari daw ulamin ang dahon ng langka, bukod sa prutas nito, dahil mayaman daw ito sa calcium at mainam na anti–oxidant. Inisa–isa rin ang mga sangkap na kailangan upang makapagluto nito: isang malaking itlog, cornstach o harina, asin, paminta, mantika, at ang main ingredient na mga dahon ng langka, na kulay–light green at hinugasang mabuti. Naglagay naman ng “CTTO” o “credits to the owner” para sa mga larawan ang naturang page at ngabigay pa ng video link para sa pagluluto nito.

Umani naman ito ng reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Ang alam ko, puwedeng gawing crispy ang pechay, saluyot, at kangkong… pero ang dahon ng langka? Puwede pala iyan! Masubukan nga minsan!” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Dahon ng sampaloc, kinakain namin, masarap na dahon iyon, yung light green pa… pero Crispy Dahon ng Langka? Why not!”

“Naku… wala yang mga dahon ninyo… mas masustansiya po ang dahon ng alingatong… herbal medicine pa po… try ninyo,” mungkahi ng isa.

Imahe mula sa facebook page na Food Recipes

Samantala, ang mga gulay naman na ginagawa ring crispy ay pechay, alugbati, saluyot, kangkong, at iba pa.

Loading…