‘Da Adventures of Pedro Penduko’ nostalgia ang dala, episodes mapapanood na online

Image capture from YouTube video by Jeepney TV
  • Action fantasy series na Da Adventures of Pedro Penduko, talaga namang minahal ng masa
  • Kuwento ito ng pakikipagsapalaran ni Pedro Penduko sa mundo ng mga pamahiin at mythical creatures
  • Available na ang episodes nito online, alamin kung saan ito mapapanood

Kung mayroon mang action fantasy series na talagang tinutukan at minahal ng masa sa mga taong 2006 at 2007, tiyak na kasali rito ang Komiks Presents: Da Adventures of Pedro Penduko.

Image capture from YouTube video by Jeepney TV

Tumatalakay ito sa pakikipagsapalaran ng simpleng tinedyer sa mundo ng mga pamahiin at mythical creatures. Mapapa-throwback ka rin dahil available na ang mga episodes ng serye online.

Swak kasi ang kantang “Bitiw” ng Sponge Cola para sa umaatikabong pakikipagsapalaran ng bida; pati nga moves ni Pedro Penduko, na ginampanan ni Matt Evans, ay ginagaya ng maraming bata habang naglalaro noong kasikatan ng palabas.

Gamit ang Mutya, medalyon o talisman, na nagbibigay kay Pedro ng kakaibang kapangyarihan ay nakatunggali ng pangunahing karakter ang bungisngis, kapre, manananggal, aswang, mambabarang, sigben, nuno sa punso, tiyanak, tiktik, pugot at marami pang iba.

Mayroong tatlong plot ang palabas, ang una’y ang paghahanap ni Pedro sa kanyang nawawalang ama; sinundan ito ng pakikipagsapalaran sa ilalim ng karagatan para naman iligtas si Bukang Liwayway mula sa kaharian ng Kalalawdan.

Pangatlo naman ang pag-iibigan nina Pedro at Hiyas, na isang diwata, na nakatakdang makasal sa iba.

Image capture from YouTube video by Jeepney TV

Bigatin din ang mga naging cast ng serye na kinabibilangan nina Albert Martinez, Agot Isidro, Melissa Ricks, Bembol Roco, TJ Trinidad,Kitkat, Deejay Durano, Olyn Membian at Gloria Romero.

Dahil sa tagumpay ng serye ay nasundan ito ng Pedro Penduko at ang Mga Engkantao na pinagbidahan din ni Evans.

Sa kasalukuyan ay pupuwede nang mapanood ang Da Adventures of Pedro Penduko sa YouTube channel ng Jeepney TV. Palagi itong nasa trending list ng video-sharing website.

Panoorin ang unang bahagi sa ibaba:

Loading…