Dahil sa ilang ‘sablay’ na modules, DepEd bukas sa mga ‘volunteer proofreaders’

Screenshot mula sa DepEd TV
  • Inamin ng DepEd na hindi lahat ng learning modules ay dumaan sa kanilang ‘quality assurance’
  • Nilinaw din ng ahensiya na hindi lahat ng maling modules ay gawa nila, at ang iba ay maaaring galing sa private schools
  • Gayunpaman, bukas naman umano ang DepEd sa mga volunteer proofreaders

Inamin ng Department of Education (DepEd) na hindi lahat ng learning modules ay dumaan sa kanilang ‘quality assurance’ matapos mag-viral sa social media ng ilang modules na may mali o nakalilitong impormasyon.

Sa panayam ng TeleRadyo kay Education Undersecretary Diosdado San Antonio, sinabi ng opisyal na ginagawa nila ang lahat para ma-screen ang mga printed self-learning modules subalit mayroon pa rin talagang nakalulusot na mga error.

USec San Antonio| Screenshot mula sa TeleRadyo

“Hindi lahat ng self-learning modules… ay dumaan sa aming quality assurance sa Central Office. At kahit po yung mga dumaan sa amin, may mga nasisilip po na hindi tama. Kasama po ‘yan sa mga hindi tamang pag-present ng lesson na kailangang bigyan ng pagsasaayos,” paliwanag ni San Antonio.

Ganunpaman, nilinaw ng DepEd official na hindi lahat ng nag-viral na ‘sablay’ na modules ay mula sa kanila dahil maaaring galing din ang iba nito sa pribadong eskuwelahan. Halimbawa na umano nito ang module na gumamit ng malalaswang pangalan.

Imahe mula sa Facebook

Tinitingnan na rin umano nila ang posibilidad na kumuha ng mga proofreaders upang masuri ang mga modules subalit hindi naman umano ito madaling proseso rin.

“Pero ang pag-hire kasi ng mga tao, hindi naman madali dahil may procurement processes… Hanggang ngayon, nasa proseso pa rin ‘yung mga dagdag naming tagabantay [sana] sa ganitong errors, TV lessons, at printed materials,” wika ni San Antonio.

Sa kabila nito, bukas naman umano ang DepEd sa mga gustong mag-volunteer para tulungan silang ayusin ang ganitong problema.

Imahe mula sa Facebook

“May mga nagbo-volunteer po kahit hindi namin sila bayaran… Kung marami pong gustong ganito, tumulong sa amin, makipag-ugnayan po sa amin,” bahagi pa ng opisyal.

Ilang netizens ang nagbahagi sa social media ng mga modules na mistulang nakalilito at mali-mali pa ang impormasyong nakalagay. Natuligsa rin kamakailan ang maling solusyon sa isang Mathematics problem na ipinalabas sa DepEd TV.

Loading…