Dalawang sekyu isinauli ang napulot na paper bag na naglalaman ng P200,000

  • Nagpamalas ng katapatan ang dalawang sekyu sa Pampanga
  • Isinauli nila ang napulot na paper bag na naglalaman ng malaking halaga ng pera
  • Nagalak naman ang mismong gobernador ng Pampanga sa kanilang ginawa

Sa kabila ng hirap na nararanasan ng lahat dahil na rin sa pandemya, nakatutuwang may mga tao pa ring nagpapakita ng kabutihan at katapatan sa pamamagitan ng pagsasauli ng mga bagay na napupulot nila.

Dalawang sekyu o security guard ng lokal na pamahalaan ng Pampanga provincial government ang nagsauli sa napulot nilang puting paper bag na naglalaman ng 200,000 piso na natagpuan nila sa loob ng isang palikuran sa loob mismo ng kapitolyo.

Imahe mula sa Facebook account ni Luisse Gabrielle Rutao / Public Domain Image

Hindi makapaniwala ang may-ari ng paper bag na si Reynaldo Carlos, isang quarry operator, sa kabutihan at katapatang ipinamalas nina Jason Jimenez and Kailo Enrile. Na-trace kung sino ang nagmamay-ari nito dahil sa isang resibong nakalagay sa naturang paper bag.

Ayon sa salaysay ni Carlos, naiwanan niya ang paper bag sa palikuran, matapos niyang gumamit nito pagkatapos bumili ng mga booklets ng quarry receipts para sa treasurer’s office.

Natagpuan namanng dalawang matapat na sekyu ang paper bag dahil sa kanilang regular na inspeksyon. Agad nilang dinala ang naturang paper bag sa Tanggapan ng Gobernador matapos na bilangin ang pera sa loob nito.

Isinauli nila ang pera dahil naalala at isinasabuhay raw nila ang paalala sa kanila ni Pampanga Governor Dennis Pineda na ang mga kawani ng pamahalaan ay nararapat na maging matapat at masipag sa lahat ng pagkakataon.

“They embodied honesty in civil service and are worth emulating. Sa hirap ng buhay pinatunayan lang nila na may mabubuti pang tao sa panahon ngayon,” ayon kay Gov. Pineda.

Dahil diyan, iminungkahing mabigyan ng promotion sa kanilang trabaho sina Jimenez at Enrile.

Public Domain Image

Mabuhay kayong dalawa! Nawa ay dumami pa ang mga kagaya ninyo, at magsilbing inspirasyon sa lahat, lalo na sa mga kawani ng pamahalaan.

Loading…