Dambuhalang buwaya nahuli sa dalampasigan sa Tawi-Tawi

Screenshot mula sa YT video ng GMA News
  • Isang higanteng buwaya ang natagpuan ng mga mangingisda sa Tawi-Tawi
  • Pinagkaguluhan ng mga residente ang dambuhalang buwaya
  • Tinatayang aabot sa 17 hanggang 18 talampakan ang haba nito

Isang napakalaking buwaya ang natagpuan at nahuli noong Martes, Oktubre 14 malapit sa dalampasigan sa bayan ng Simunul sa Tawi-Tawi.

Ayon sa ulat ng UNTV News, nakita umano ng isang mangingisda ang higanteng buwaya sa may tabing-dagat Martes ng hapon bago ito nahuli.

Sa mga video na ibinahagi ng ilang netizen sa social media, makikitang pinagkakaguluhan ng mga residente ang naturang buwaya habang isinasakay ito sa isang malaking trak na halos hindi na magkasya.

Screenshot mula sa Facebook video ng Tawi-tawi Isalnd Travellers

Inaalam pa ng mga eksperto kung saan posibleng nagmula ang ‘Indo-pacific’ crocodile na tinatayang aabot sa 17 hanggang 18 talampakan ang haba.

Sa Facebook video na ibinahagi ng Tawi-Tawi Island Travellers, mapapanood ang halos mga hindi magkamayaw na mga residente habang sinusundan ang trak na may sakay na buwaya. Ang iba naman ay hindi napigilang kumuha ng larawan.

Magugunitang isang malaking buwaya rin ang natagpuan ng mga mangingisda sa nasabing bayan noong 2017.

Samantala, napag-alaman na dadalhin sa tourism office ng Simunul ang nasabing hayop kung saan ito mananatili pansamantala.

Screenshot mula sa UNTV News YT video

Pinag-iingat naman ang publiko dahil posible umanong maglitawan pa ang ilang buwaya sa lugar lalo pa’t simula na ng breeding season ng mga ito.

“Sa panahon po na ito, ang mga buwaya po natin ay mas agresibo. So may mga pagkakataon po na mas madalas natin silang makikita dahil sila ay naghahanap ng kapares,” paliwanag ni Merjory Colvera ng Crocodylus Porosus Philippines Inc. sa panayam ng UNTV News.

“Iwasan ang paglusong sa tubig lalo na pagsapit ng dilim. ‘Wag din ho tayong magtali ng mga alagang hayop malapit sa mga ilog at panatilihin nating maayos ang ating mga kabakawan,” paalala pa ni Colvera.

Loading…