Dating Philhealth chief Ricardo Morales nagsampa ng cyberlibel case laban sa whistleblower

Imahe mula sa ABS-CBN News/Twitter
  • Sinampahan na ng kasong cyberlibel ni Morales si Atty. Thorsson Montes Keith
  • Si Keith ay isa sa mga whistleblowers na tumestigo sa ginawang pagdinig sa Senado
  • Ani Morales, nagdulot ng masamang epekto sa kaniyang pagkatao at pamilya ang mga alegasyon ni Keith

Sinampahan ng kasong cyberliber ni resigned PhilHealth chief Ricardo Morales ang dating anti-fraud legal officer ng ahensiya na si Atty. Thorsson Montes Keith. Ang kaso ay isinampa ni Morales sa Taguig Regional Trial Court nitong Biyernes, ika-16 ng Oktubre.

Ayon sa ulat ng ABS-CBN News, personal na nagtungo si Morales sa korte para magbigay ng sinumpaang salaysay.

Si Keith ay isa sa pinakaunang empleyado ng PhilHealth na nagbunyag ng diumano’y malawakang anomalya sa loob ng state insurer na kinasasangkutan ng ilang matataas na opisyal nito.

ex-PhilHealth chief Ricardo Morales/Imahe mula sa PhilHealth

Kasama ni PhilHealth board member Alejandro Cabading, si Keith ay tumestigo sa ginawang pagdinig sa Senado noong Agosto kung saan marami pang anomalya ang ibinulgar ng dalawang whistleblower.

Base sa isinampang kaso ni Morales, ang mga alegasyon ni Keith ay nagdulot umano ng masamang epekto sa kaniyang pagkatao at sa kaniyang pamilya. Patuloy pa raw silang nangangalap ng ebidensiya para lalo pang suportahan ang kanilang reklamo laban kay Keith.

Screenshot mula sa Senate of the Philippines video

Si Morales ay nagbitiw sa tungkulin noong Agosto sa gitna ng Senate hearing dahil sa isyu ng kaniyang kalusugan. Siya ay pinalitan ni dating National Bureau of Investigation (NBI) chief Dante Gierran na kamakailan lang ay hiningi ang courtesy resignation ng ilang matataas na opisyal ng PhilHealth.

Noong nakaraang linggo, pormal na ring sinampahan ng reklamo ng NBI si Morales at iba pang opisyal na kinabibilanagan nina incumbent Executive Vice President and Chief Operating Officer Arnel de Jesus, Senior Vice Presidents Renato Limsiaco Jr. at Israel Francis Pargas, Vice President for PhilHealth Regional Office National Capital Region (NCR) Gregorio Rulloda, PhilHealth Regional Office NCR Central Branch Manager Lolita Tuliao, at iba pang opsiyal na nakilalang sina Imelda Trinidad de Vera-Pe, Gemma Sibucao and Lailani Padua.

Loading…